CALAMBA CITY, Laguna. Sumuko sa opisina ng Criminal Investigation and Detection Group sa Quezon ang anim na pulis Navotas na pinaniniwalaang mga suspek sa pagpatay kay Jerhode “Jemboy” Baltazar, 17 anyos, noong Agosto 2 sa isang police operation sa Barangay North Boulevard, South Kaunlaran, Navotas, Metro Manila.
Kinilala ni Col. Jack Malinao, direktor ng CIDG4A, ang anim na pulis na sina:
- PEMS Roberto Balais Jr.
- PSSg Gerry Maliban
- PSSg Antonio Bugayong Jr.
- PSSSg Nikko Pines Esquilon
- PCpl Edmard Jose Blanco
- Patrolman Benedict Mangada
Sila ay sumuko matapos maglabas ng arrest warrant si Judge Pedro Dabu Jr. ng RTC branch 286 sa Navotas sa kasong murder.
Noong Setyembre, inaprubahan ng National Capital Region Police Office ang dismissal ng mga nabanggit na pulis kab ilang ang dalawang mataas na opisyal ng Navotas City Police Station.
Ang anim na mga pulis ay inakusahan ng pagmamalabis sa kanilang tungkulin bilang mga alagad ng batas, habang sina Captain Mark Joseph Carpio at Luisito de la Cruz ay sinisi ng piskalya sa pagpapabaya sa kanilang mga tungkulin bilang mga superior ng mga suspek.
Ang mga akusadong pulis ay kasama sa walong pulis na nagsagawa ng police operation sa Northbay Boulevard, kung saan ay napatay si Baltazar dahil napagkamalang si Reynaldo Bolivar, na may kasong murder.
Ayon sa pahayag ni Col. Malinao, kinukwestyun din ang papel ni Col. Allan Umipig, hepe ng Navotas Police, na iniimbestigahan din dahil sa alegasyon ng pagtatakip niya sa insidente ng pagpatay kay Jemboy. Batay sa imbestigasyon, iniutos diumano ni Umipig na alisin sa listahan ang mga pangalan ng 11 pulis na sangkot sa naturang insidente.
Sa ngayon, ang anim na mga akusado ay nakakulong sa custodial cell ng CIDG-Quezon.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.