6 na suspek sa Salilig hazing case, arestado na

0
518

Biñan City, Laguna. Naghain na ng search warrant ang pulisya sa sasakyan ng isa sa mga suspek sa pinaniniwalaang hazing death ng isang 24 anyos na chemical engineering student ng Adamson University.

Ayon kay Lt.Col. Virgilio Jopia, hepe ng Biñan City Police Station, iniharap ang warrant kay Gregorio Cruz, ang may-ari ng sasakyang nagdala kay John Matthew Salilig sa isang bakanteng lote sa Imus, Cavite, kung saan inilibing ang chemical engineering student.

“Nag-serve na kami ng search warrant sa bahay ng isa sa mga suspek para kunin yung sasakyan na pinagsakyan ng victim, at yung paddle na ginamit,” ayon kay Jopia.

Sinabi ni Jopia na ayon na isang saksi ang nagturo sa kanila sa sasakyan na ginamit upang dalhin ang biktima sa Imus mula sa Binan, Laguna kasunod ng initiation rites.

 Namatay ang biktima sa naturang sasakyan, dagdag niya.

Ayon sa Laguna police, 18 persons of interest ang kanilang natukoy.

Sinabi ng pulisya na anim sa mga indibidwal na ito ang inimbitahan para sa imbestigasyon, habang dalawa ang inaresto hinggil sa kasong obstruction of justice.

Kabilang sa mga naaresto ang ama ng isa sa mga suspek na diumano ay nasa lugar sa panahon ng initiation rites.

“They interfered with the investigation and they tried to conceal the evidence na find out natin sa ating investigation kaya inaresto sila for obstruction of justice,” ayon sa pulisya.

Sinabi ni Jopia na hinihintay nila ngayon ang resulta ng autopsy sa bangkay ng biktima na isinagawa noong Martes ng gabi.

Sinabi ng mga awtoridad na malamang na binawian ng buhay si Salilig dahil sa mga tinamong pinsala.

Ang biktima, na halos hindi na makilala, ay positibong kinilala ng kanyang kapatid, dagdag nila.

Ibinunyag ng pulisya na miyembro ng fraternity ang nanguna sa mga awtoridad sa pagkakatuklas sa bangkay.

“Yung isa doon pinaka-presidente nila. Siya yung nagturo kasi kasama siya sa naglibing sa Imus, Cavite kaya natin natagpuan,” ayon kay Jopia.

Samantala, inatasan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang National Bureau of Investigation na magsagawa ng sariling imbestigasyon sa naganap ng insidente ng hazing death ni Salilig.

Sinabi ni DOJ Assistant Secretary Mico Clavano na kinokondena ng ahensya ang anumang paglabag sa Anti-Hazing law.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.