600,000 katao sa Bicol, nagsilikas dahil sa Bagyong “Uwan”

0
983

LEGAZPI CITY, Albay — Tinatayang 600,000 residente sa Albay ang lumikas sa mga evacuation centers dahil sa banta ng malakas na bagyong “Uwan,” ayon sa ulat ng Albay Provincial Safety and Emergency Management Office.

Ayon kay Roderick Mendoza, hepe ng opisina at operation officer ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council, inuna nilang pinalikas ang mga residente sa paanan ng Bulkang Mayon na nasa panganib ng pagragasa ng lahar. Sinabi niya na mismong ang Phivolcs-Manila ang nagbigay ng babala tungkol sa banta sa libu-libong residente sa mga barangay sa Guinobatan.

Inilikas din ang mga nakatira sa baybayin dahil sa panganib ng daluyong, at ang mga nasa delikadong lugar sa baha, flashfloods, at landslides upang matupad ng Albay ang zero casualty goal.

Alas-3 ng hapon kahapon, umabot na sa higit 300,000 katao ang nasa evacuation centers habang marami rin ang nanatili sa mga kamag-anak sa ligtas na lugar.

Sa atas ni Gov. Noel Rosal, inutusan ang lahat ng LGUs na kumuha ng tig-100 sako ng bigas mula sa National Food Authority para sa pagkain ng mga evacuees.

Sa kabila ng pagbabawal ng LTO 5 simula noong Biyernes sa land travel papasok sa Bicol mula sa Catanduanes, Masbate, Visayas, at Mindanao, umabot pa sa 2,169 katao at 1,106 rolling cargoes ang stranded mula alas-5:30 ng hapon kahapon.

Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard District Bicol, pinakamalaki ang na-stranded sa Matnog Port na umabot sa 1,427 pasahero at 719 rolling cargos.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.