SARIAYA, Quezon. Pinakawalan muli ang 62 pawikan sa baybayin ng Tayabas Bay sa bayan ng Sariaya nitong Miyerkules, sa pangunguna ng iba’t ibang grupo na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan.
Pinangunahan ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard Auxiliary, Bantay Dagat ng Sariaya, Sangguniang Barangay at Tanod ng Barangay Guisguis 2, Tanggol Kalikasan, at mga residente ang makabuluhang aktibidad na naglalayong protektahan ang mga pawikan na kabilang sa mga hayop na nanganganib nang maubos.
Ayon sa mga tagapagtaguyod ng programa, tinatayang may mahigit 2,000 pang pawikan ang inaasahang mapipisa mula ngayong buwan ng Disyembre hanggang Marso 2025.
Ang mga pawikan ay mahalagang bahagi ng ekosistema ng dagat. Sila ang nagsisilbing tagalinis ng bahura dahil kumakain sila ng mga “coral sponges,” na tumutulong sa pagpapanatili ng kalinisan ng mga coral reef.
Patuloy ang panawagan ng mga grupo na pangalagaan ang kalikasan at huwag gambalain ang tirahan ng mga pawikan upang mapanatili ang kanilang populasyon at maiwasan ang kanilang tuluyang pagkaubos.
“Ang pagpapakawala ng mga pawikan ay paalala na ang bawat isa sa atin ay may responsibilidad na alagaan ang kalikasan para sa susunod na henerasyon,” ayon sa isang opisyal mula sa Tanggol Kalikasan.
Nagsilbing inspirasyon ang inisyatibong ito sa mga residente at nagbigay ng mahalagang mensahe hinggil sa kahalagahan ng biodiversity conservation sa bansa.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo