DASMARIÑAS, Cavite. Patay ang isang 63-anyos na ina habang sugatan ang kanyang 31-anyos na manugang matapos pasukin ng dalawang hinihinalang miyembro ng “akyat-bahay gang” ang kanilang bahay sa Brgy. Paliparan 2, sa lungsod na ito, kahapon ng gabi.
Natagpuan ni Lloyd Hendrick Andaya ang kanyang inang si Socorro Alvarez Andaya, 63-anyos, na wala ng buhay sa loob ng kanilang bahay at natagpuan naman niya si Nica Ricel Candado, 31, ang live-in partner ni Andaya, na sugatan sa loob ng comfort room. Isinugod si Candado sa DLSU-UNC hospital at inilabas din agad pagkatapos gamutin.
Sinabi ni Lt. Col. Julius Balano, hepe ng pulisya sa Dasmariñas City, na alas-11:00 ng gabi nang abutan ni Lloyd Hendrick ang nangyari, ngunit ang insidente ay iniulat sa pulisya alas-8 ng umaga kinabukasan.
Ang dalawang biktima ay parehong may sugat sa ulo, na hinihinalang pinalo ng matigas na bagay. Ayon sa imbestigasyon, ang mga suspek ay pumasok sa bahay at nagnakaw ng pera at alahas mula sa kuwarto.
Lumabas sa imbestigasyon na posibleng nanlaban ang mga biktima sa mga suspek, base sa mga kagamitan na nagkalat sa lugar ng krimen. Mayroong dalawang indibiduwal sa compound na itinuturing na “persons of interest” dahil sa kanilang koneksiyon sa naunang insidente ng pagtatangka na pagnakawan ang bahay ng nasawing biktima.
Patuloy ang pulisya sa pagsisiyasat upang kilalanin ang mga salarin. Ang mga biktima ay may negosyong water refilling station.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.