66% ng mga Pilipino, pabor na harapin ni VP Sara ang impeachment — survey

0
427

MAYNILA. Lumabas sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na 66 porsyento ng mga Pilipino ang pabor na harapin ni Vice President Sara Duterte ang impeachment complaint na inihain laban sa kanya.

Ang naturang survey ay kinomisyon ng Stratbase Group at isinagawa noong Hunyo 25 hanggang 29, na nilahukan ng 1,200 respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon sa resulta, 19 porsyento lamang ang hindi sang-ayon na harapin ni Duterte ang reklamo, habang 15 porsyento ang hindi tiyak ang sagot.

Pinakamataas ang bilang ng sumang-ayon sa Metro Manila na umabot sa 76 porsyento, sinundan ng Balance Luzon na may 69 porsyento, Visayas na may 67 porsyento, at Mindanao na may 55 porsyento.

Sa hanay ng mga socio-economic class, nakapagtala ang Classes ABC ng 73 porsyentong pagsang-ayon, 66 porsyento sa Class D, at 62 porsyento sa Class E.

Ayon sa mga sumagot sa survey, mas makabubuti kung haharapin ni Duterte ang mga paratang upang malinawan ang publiko ukol sa mga isyu ng korapsyon na ibinabato laban sa kanya.

Sinabi ni Stratbase Group President Prof. Dindo Manhit na ang resulta ng survey ay patunay na mas aktibo at mapanuri na ang mamamayang Pilipino.

“This level of awareness reflects a more engaged and vigilant public. Filipinos are watching closely and expect the country’s democratic institutions, particularly the Senate, to act decisively and impartially,” ani Manhit.

Samantala, inihayag ni Senator Joel Villanueva na posibleng magsimula ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa Agosto 4, isang linggo matapos ang nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 28.

“We’re looking at August 4 to convene,” ani Villanueva sa isang panayam sa Kapihan sa Manila Bay, sabay sabing kailangan ng isang linggo bago makabuo ng impeachment court.

Umaasa rin si Villanueva na mareresolba ng Korte Suprema ang mga nakabinbing petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng impeachment complaint bago pa man magsimula ang paglilitis.

Matatandaang una nang naghain ang Senado ng Manifestation Ad Cautelam sa Korte Suprema, kasunod ng hiling nito sa Kongreso na magsumite ng komento at impormasyon hinggil sa nasabing reklamo.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.