MALVAR, Batangas. Nagsasagawa ngayon ng search and rescue operation ang pulisya at Philippine Coast Guard (PCG) matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig-baha ang isang 7-anyos na batang lalaki habang naliligo kasama ang kanyang ina at kapatid sa isang creek sa Brgy. San Pioquinto, Malvar, Batangas.
Kinilala ang nawawalang bata na si Mark Nathan Miranda, isang estudyante at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bandang 3:00 ng hapon kahapon nang maganap ang insidente. Nagpunta umano sa creek ang biktima kasama ang kanyang ina na si Maria Adelyn Rhose Ebon at isa pang kapatid na babae upang maligo.
Habang naliligo, biglang bumuhos ang malakas na ulan na nagsanhi ng pagtaas ng tubig at pagbaha sa lugar. Sa kasamaang-palad, hindi na nakaahon ang bata at tinangay ng tubig-baha.
Patuloy ang paghahanap sa bata, habang nananatiling umaasa ang kanyang pamilya at mga awtoridad na matagpuan siya sa lalong madaling panahon.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.