7 patay, higit 100 sugatan sa aksidente ng bus at SUV sa Laguna

0
166

MAJAYJAY, Laguna. Pito ang nasawi habang mahigit 100 ang sugatan sa aksidente ng isang tourist bus at isang SUV sa zigzag na bahagi ng Majayjay-Lucban Road sa Barangay Bakia, bayang ito sa Laguna, nitong Linggo ng hapon.

Ayon sa ulat ng Majayjay Municipal Police Station, apat ang agad na nasawi sa lugar, kabilang ang isang babae na tumilapon sa bangin. Tatlo pa ang binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa ospital. May 96 sakay ng bus at apat mula sa anim na sakay ng SUV ang sugatan, na agad na dinala sa Majayjay District Hospital, Nagcarlan Hospital, at Laguna Medical Center sa Sta. Cruz.

Sa pahayag ni Reyjohn Libato, officer ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), naganap ang aksidente bandang 3:00 ng hapon sa pakurbang bahagi ng kalsada sa pagitan ng Barangay Bakia at Ilayang Banga. Agad na tumulong ang mga rescue teams mula sa iba’t ibang bayan ng Laguna at Quezon upang sagipin ang mga naipit sa loob ng bus.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa “Kamay ni Hesus” pilgrimage site sa Lucban, Quezon ang mga pasahero ng bus ng ARR Transportation, pauwi na sa Bacoor City, Cavite. Ayon sa driver ng bus na si Nelson Bolanos, nagulat siya nang biglang sumulpot ang Hyundai Kona (DAO-6739). “Hindi po ako mabilis magpatakbo,” paliwanag ni Bolanos. Tumagilid ang SUV sa gitna ng kalsada, habang natumba naman ang bus na may sakay na maraming pasahero.

Sinabi ni PMaj. Jordan Aguilar, hepe ng Majayjay Police Station, na patuloy nilang sinisiyasat kung may naganap na human o mechanical error sa bus, lalo na’t may indikasyon na sumabit ito sa puno at lumampas sa kabilang linya. Dagdag pa ni Aguilar, hindi karaniwang ruta ng mga bus ang Majayjay-Lucban Road, kaya’t inaalam kung bakit doon dumaan ang tourist bus. Iniimbestigahan din kung overloaded ang bus.

Patuloy na iniimbestigahan ang insidente upang malaman ang puno’t dulo ng aksidente at maiwasan ang ganitong pangyayari sa hinaharap.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.