7 presidential bets, nagkumpirmang dadalo sa ‘Catholic E-Forum’

0
176

Pito sa 10 kandidato sa pagkapangulo ang nagkumpirma ng kanilang pakikilahok sa Church-based online forum na nagsimula noong Lunes, ayon sa ulat ni Bro.Clifford Sorita, isa sa mga organizer ng Catholic E-Forum.

Sa isang panayam, sinabi ni Sorita na ang inaasahang lalahok sa one-on-one interview para sa mga tumatakbo para sa pinakamataas na posisyon sa bansa ay ang labor leader Leody de Guzman, Manila Mayor Francisco ” Isko Moreno” Domagoso, dating national security adviser Norberto Gonzales, Senator Ping Lacson, Dr. Jose Montemayor Jr., Senator Manny Pacquiao at Vice President Leni Robredo.

Si De Guzman ang unang kandidato na nakapanayam habang si Montemayor ay magkakaroon ng pagkakataon na maglahad ng kanyang plataporma bukas.

Itinatampok ang Catholic E-forum sa Barangay Simbayanan mula 8 a.m. hanggang 10 a.m. kasama sina Veritas anchors Angelique Lazo at Rev. Fr. Jerome Secillano sa pamamagitan ng Radio Veritas 846.

Sinabi ni Sorita na inimbitahan din sa event sina presidential bets Faisal Mangomdato, dating presidential spokesperson Ernesto Abella at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Nilinaw din ni Sorita na nagpadala ng mga imbitasyon sa national candidates dalawang linggo na ang nakakaraan.

Bukod sa presidential bets, inimbitahan din ang mga vice-presidential (VP) at senators candidates sa church-based program.

Ang mga panayam para sa mga kandidato sa pagkapangulo ay mula Pebrero 14 hanggang 28.

Samantala, ang mga VP bet ay makakapanayam mula Marso 1 hanggang 15 habang ang mga tatakbo sa pagka-senador ay magkakaroon ng pagkakataong maglahad ng kanilang mga plataporma mula Marso 16 hanggang Abril 29.

Ang mga tumatakbo sa ikalawang pinakamataas na puwesto sa bansa ay sina dating Manila Mayor Lito Atienza, Walden Bello, Rizalito David, Davao City Mayor Sara Duterte, Manny Lopez, Dr. Willie Ong, Kiko Pangilinan, Carlos Serapio at Senador Tito Sotto. Samantalang 64 ang kandidatong tumatakbo para sa 12 senatorial seats.

Naniniwala si Sorita na mahalagang dumalo sa mga naturang forum ang mga kandidato upang mas makilala ng publiko ang mga kandidato.

Bukod sa Radio Veritas, maaari ring mapanood ng publiko ang programa sa Radio Veritas Facebook Page, Radio Veritas Asia, TV Maria, Roman Catholic Archdiocese of Manila-Archdiocesan Office of Communications (RCAM-AOC) Catholic Media Network (CMN), Skycable Channel 211 , at iba pang Social Communications Ministry ng Simbahang Katoliko.

Inihaharap din ito ng Episcopal Commission on Social Communications and Permanent Committee on Public Affairs ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.

Author profile
Gary P Hernal

Gary P Hernal started college at UP Diliman and received his BA in Economics from San Sebastian College, Manila, and Masters in Information Systems Management from Keller Graduate School of Management of DeVry University in Oak Brook, IL. He has 25 years of copy editing and management experience at Thomson West, a subsidiary of Thomson Reuters.