ANTIPOLO, RIZAL. Umabot sa 70 katao ang naaresto sa isang operasyon laban sa umano’y online investment scam hub sa Barangay San Roque, Antipolo noong Mayo 27.
Pinangunahan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP ACG), Securities and Exchange Commission (SEC), at lokal na pulisya ang raid, base sa reklamong inihain ng isang Australian national noong 2024.
Inisyuhan ng search warrant ang gusali na pag-aari umano ng isang lalaking kinilalang si “Arthur,” dahil sa posibleng paglabag sa Securities Regulation Code at Cybercrime Prevention Act.
Natagpuan din sa loob ng pasilidad ang isang menor de edad. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at forensic analysis sa mga nakumpiskang computer equipment at dokumento.
Nagbabala si PNP ACG Chief Brig. Gen. Bernard Yang na mananagot sa batas ang sinumang sangkot sa online scams. “Walang ligtas ang mga online scammer. Patuloy ang aming kampanya para maprotektahan ang publiko laban sa ganitong uri ng panlilinlang,” ani Yang.

Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.