73-anyos na lola, pinatay sa Batangas

0
205

LIPA CITY, Batangas. Patay ang isang 73 anyos na lola matapos barilin ng nag-iisang lalaki na pinaniniwalaang “hired killer” habang sakay ng isang van sa madilim na bahagi ng bukirin sa Brgy. Malagonglong, sa lungsod na ito noong Lunes ng gabi.

Ayon kay Lt. Col. Rix Villareal, hepe ng Lipa City Police Station, ang biktima na si Rosario Abuyo ay namatay habang daan patungong Lipa Medix Medical Center dahil sa tama ng mga bala sa kanyang dibdib.

Lumalabas na nakaupo si Abuyao sa likod ng passenger seat kasama ng anim pang kasamahan na sakay ng inupahang Toyota van na minamaneho ni Nelson Canobas, nang biglang ihinto ng nasabing driver ang sasakyan.

Bumaba si Canobas sa van para tingnan ang kanilang mga kasamahan matapos silang mabundol ng isang passenger type jeep. Gayunman, nang buksan nito ang pinto ng van, bigla na lang lumutang ang di-kilalang suspek sakay ng motorsiklo at pinuntiryang binaril nang malapitan ang biktima, saka tumakas patungong national road.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pagkakapatay sa lola.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.