73-anyos na may-ari ng resort, pinatay ng dating empleyado

0
170

BAUAN, Batangas. Natagpuang patay ang isang 73-anyos na babaeng may-ari ng resort matapos umanong pasukin at patayin ng kanyang dating empleyado na sinibak sa trabaho. Nangyari ang insidente sa loob ng kanyang tahanan na nasa compound ng resort sa Barangay Durungao, bayang ito noong Lunes ng umaga.

Ayon kay Lt. Reymond Matibag, chief investigator ng Bauan Municipal Police Station, ang biktima na si Carmen Maranan, may-ari ng Maranan Resort, ay natagpuan ng kanyang anak na si Jenny na nakahandusay at duguan sa sofa malapit sa kusina na may flower vase pa sa kanyang ulo, bandang alas-7:30 ng umaga.

Lumabas sa imbestigasyon na pinasok ng salarin ang biktima habang ito ay natutulog sa kanyang bahay noong Linggo ng gabi. Hinihinalang si alyas “Lando,” isang dating empleyado sa resort, ang suspek sa pagpatay kay Maranan.

Ayon kay Matibag, “We have an eyewitness also working in resort saw the suspect left from the resort at the midnight and one of the video footage of the close circuit television camera captured him while the suspect entered at the premises of the resort.”

Sinisilip ng mga imbestigador na “lumang alitan” at “paghihiganti” ang posibleng mga motibo sa pagpatay. Lumalabas na tinanggal ni Maranan si Lando sa trabaho sa resort dalawang buwan na ang nakalilipas.

Sa inisyal na pagsusuri ng awtoridad, ang pagkamatay ni Maranan ay dahil sa malakas na pagkakapukpok ng flower vase sa kanyang ulo habang siya ay natutulog sa couch.

Inihahanda na ang kasong murder laban kay alyas Lando, na kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.