8 intel police sinibak sa dahil sa palpak na raid sa Quezon

0
237

CALAMBA CITY, Laguna. Iniutos ni Police Regional Office for Calabarzon director, Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas kahapon na sibakin sa puwesto ang walong intelligence police officers matapos ireklamo sa isang drug operation nang kanilang salakayin ang maling bahay sa Lucena, Quezon nitong Biyernes ng madaling araw.

Ayon kay Lucas, ang mga sinibak na pulis ay kasalukuyang naka-restrictive custody sa Regional Headquarters Holding Accounting Section. Inatasan na rin ni Lucas ang Regional Investigation and Detective Management Division na makipag-ugnayan sa Regional Internal Affairs Service para sa isasagawang administrative investigation laban sa mga nasabing pulis na hindi pa pinangalanan.

“We condemned such actions in the strongest terms and assure the public that these officers, if found guilty, will meet the full arms of laws,” pahayag ni Lucas.

Una nang sinampahan ang walong pulis ng mga kasong grave threats, unjust vexation, at violation of domicile sa City Prosecutor’s Office nitong Biyernes ng hapon matapos silang arestuhin ng kanilang mga kabaro. Sinibak din sa puwesto si Lucena police chief, Lt. Col. Reynaldo Reyes, dahil sa usapin ng command responsibility.

Ang pag-aresto sa walong pulis ay batay sa reklamo ni Renelyn Rianzales, 52, matapos umanong salakayin ng grupo ng mga pulis ang kanyang bahay sa Barangay Ransohan bandang 3:15 ng madaling araw noong Biyernes. Sinabi ni Rianzales na binantaan siya ng mga pulis habang tinututukan ng baril at naghahalughog sa kanyang tahanan.

Patuloy na iniimbestigahan ang insidente upang matiyak ang pananagutan ng mga nasabing pulis at maibalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.