8 MARINA, 6 PCG personnel sinibak sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3

0
259

MANILA, Philippines — Sasampahan ng kaukulang kaso ang passenger at cargo firm na Aleson Shipping Lines, Inc., gayundin ang ilang opisyal at tauhan ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng umano’y kapabayaan at seryosong safety lapses na nagresulta sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3, na ikinasawi na ng 52 katao.

Sa isang pulong balitaan, tiniyak ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na pananagutin ng Department of Transportation (DOTr) ang shipping line at mga opisyal ng pamahalaan na mapatutunayang nagkulang sa kanilang tungkulin.

Ipinahayag ng kalihim ang kanyang pagkadismaya matapos mabatid na nakapaglayag ang MV Trisha Kerstin 3 sa kabila ng mga natukoy na safety deficiencies, kabilang ang mga isyu sa passenger capacity certification, drydock/repair compliance, at seaworthiness certification.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng MARINA, kabilang sa mga posibleng sanhi ng trahedya ang overloading ng mga pasahero at cargo, hindi paggamit ng weigh bridge sa Global Port Zamboanga Terminal Inc. para sa rolling cargoes at private vehicles, at inconsistencies sa bilang ng mga nakatala sa Passenger Manifest kumpara sa aktuwal na dami ng pasaherong sakay ng barko.

Kaugnay nito, iniutos ni Lopez ang agarang pagsibak sa walong tauhan ng MARINA, kabilang ang Zamboanga Regional Director, at anim na tauhan ng PCG kabilang ang mga nagsagawa ng pre-departure inspection at ang Zamboanga Station Commander dahil sa command responsibility.

Inatasan din ng kalihim ang MARINA na magsampa ng administrative charges laban kina Zamboanga Regional Director Engr. Jedini Nur Sibal, Marina Shipping Operations Specialist Engr. Bevin Bibi, at Marina Shipbuilding Specialist II Jose Ray Quimiguing dahil sa neglect of duty.

Nanindigan ang DOTr na pananagutin ang lahat ng sangkot upang matiyak ang hustisya para sa mga nasawi at maiwasan ang kahalintulad na trahedya sa hinaharap.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.