MAYNILA — 12 katao na ang iniulat na nasawi dahil sa epekto ng tropical cyclone Basyang (international name: Penha), ayon sa pinakahuling datos mula sa Office of Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado.
Ayon sa ulat, kabilang sa mga nasawi ang mga sumusunod:
- Cagayan de Oro City — apat (4) na katao, kabilang ang dalawang bata, na nasawi matapos tamaan ng malakas na landslide sa Barangay Agusan habang umuulan nang walang tigil.
- Iligan City — tatlo (3) na katao na namatay sa iba’t ibang insidente na inaalam pa ang eksaktong dahilan ng pagkamatay, ayon sa lokal na opisyal.
- Surigao del Sur — dalawa (2) na nasawi dahil sa pagkalunod sa baha, ayon sa ulat mula sa OCD Caraga.
- Agusan del Norte — isa (1) dahil sa pagkalunod dahil sa baha.
Sinabi ng mga awtoridad na ang lahat ng mga ulat ng pagkamatay ay kasalukuyang “for validation” at patuloy pang iniimbestigahan para sa opisyal na kumpirmasyon.
Samantala, isinailalim sa state of calamity ang Iligan City noong Biyernes dahil sa epekto ng Basyang. Gumuho ang isang taong gulang na steel bridge sa Barangay Puga-an, habang inanod ng malalakas na agos ng baha na umabot hanggang baywang ang taas ang ilang sasakyan sa Barangay Mahayahay.
Tatlong katao ang iniulat na nasawi sa Iligan City dahil sa pagbaha dulot ng malalakas na ulan, ayon sa Iligan City Social Welfare and Development, batay sa ulat din ni Yap sa Saksi. Tinatayang 3,800 pamilya ang naapektuhan sa lungsod, ayon sa mga lokal na opisyal.
Sa Cagayan de Oro City, mahigit 2,000 indibidwal ang inilikas dahil sa masamang panahon.
Bilang isang tropical storm, nag-landfall ang Basyang sa Bayabas, Surigao del Sur noong Huwebes ng gabi. Nagdulot ito ng malalakas na ulan habang tinatahak ang Agusan del Norte, Bohol Sea, at Bohol, kung saan muli itong nag-landfall bilang isang tropical depression. Ayon sa PAGASA, umabot sa limang landfalls ang ginawa ng Basyang.
Dahil sa masungit na lagay ng panahon, libo-libong pasahero ang na-stranded sa mga pantalan sa iba’t ibang panig ng bansa matapos kanselahin ang mga biyahe sa dagat.
Noong Biyernes ng gabi, namataan ang Basyang sa Negros Oriental habang patuloy itong humihina. Bandang 2 a.m. ng Sabado, humina ito bilang isang low pressure area (LPA), ayon sa PAGASA. Pagsapit ng 4 a.m., ang LPA ay namataan 105 kilometro timog-silangan ng Cuyo, Palawan, na kumikilos pa-kanluran sa bilis na 25 km/h. Bandang 8 a.m., tuluyan nang nag-dissipate ang LPA, ayon sa PAGASA.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






