8 Pinoy seafarers na nakulong sa Malaysia, nakauwi na sa Pilipinas — DMW

0
30

MAYNILA. Nakauwi na sa bansa ang walong Pilipinong seafarers na na-detain sa Malaysia matapos umanong lumabag sa mga batas sa imigrasyon, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa inilabas na ulat ng DMW nitong Sabado, kinumpirma nitong ang mga Pinoy ay bahagi ng crew ng MT Krishna 1 na nadetine sa Kota Tinggi Police District Headquarters sa Johor, Malaysia simula pa noong Abril 11, kasama ang 12 Indian crew members. Sila’y inaresto ng Royal Malaysian Police dahil umano sa kawalan ng pasaporte at kaukulang dokumento.

Kaagad umanong kumilos ang DMW, sa pakikipagtulungan ng Migrant Workers Office (MWO) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Kuala Lumpur, upang tiyaking ligtas ang mga marino habang ginagawan ng paraan ang kanilang repatriation.

“Nakipag-ugnayan agad ang MWO-OWWA Malaysia sa Kota Tinggi police para masiguro na maayos at ligtas ang seafarers habang iniimbestigahan ang kaso,” ayon sa DMW.

Nakausap na rin umano ng DMW ang mga pamilya ng mga tripulante upang ipabatid ang kanilang kalagayan at ang planong pagpapauwi sa kanila.

Bukod pa rito, tiniyak ng Licensed Manning Agency (LMA) ng mga seafarers na maipagkakaloob sa kanilang pamilya ang kaukulang suweldo at benepisyo.

“Nangako ang LMA na ibibigay ang mga sweldo at benepisyo ng walong seafarers sa kanilang pamilya,” dagdag ng DMW.

Walang iniulat na pananakit o paglabag sa karapatang pantao habang nakakulong ang mga seafarer. Sa tulong ng diplomatic coordination sa pagitan ng Pilipinas at Malaysia, matagumpay na nailipat pabalik sa bansa ang walong Pilipino ngayong linggo.

Patuloy namang nananawagan ang DMW sa mga seafarers at licensed manning agencies na tiyaking kumpleto ang dokumento ng bawat tripulante upang maiwasan ang ganitong insidente sa hinaharap.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.