89% ng Pinoy sasalubong sa 2026 nang may pag-asa — SWS

0
282

MAYNILA, Philippines — Siyamnapu’t walong porsiyento (89%) ng mga Pilipinong nasa hustong gulang ang sasalubong sa 2026 nang may pag-asa sa halip na pangamba, ayon sa non-commissioned survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) noong Nobyembre.

Ito ay bahagyang mas mababa ng isang puntos mula sa 90% noong 2024 at pitong puntos na pagbaba mula sa 96% noong 2023. Ang naturang antas ay katumbas ng naitalang 89% noong 2009, na itinuturing na pinakamababang optimism rate sa loob ng 16 na taon.

Samantala, 11% ng mga Pilipino ang magsisimula ng 2026 na may pangamba, mas mataas ng isang puntos mula sa 10% noong 2024 at pitong puntos mula sa 3% noong 2023. Ito rin ang pinakamataas na naitalang porsiyento ng pangamba mula noong 2009.

Ayon sa SWS, unang sinukat ang pagtingin ng mga Pilipino sa pagsalubong ng Bagong Taon noong pagtatapos ng 2000, kung kailan 87% ang nagpahayag ng pag-asa. Nasa antas na 80% pataas ang resulta sa mga taon 2000, 2001, 2004, 2005, 2009 at 2025, habang umabot sa 90% pataas mula 2002, 2003, 2006 hanggang 2008, at mula 2010 hanggang 2024.

Ang tanong sa survey ay: “Ang darating na taon ba ay inyong sasalubungin nang may pag-asa o may pangamba?” na may pagpipiliang sagot na “Sasalubungin ang darating na taon nang may pag-asa” at “Sasalubungin ang darating na taon nang may pangamba.”

Ipinakita rin ng November 2025 survey na 68% ng mga Pilipino ang inaasahang magiging masaya ang Pasko (“masaya”), 7% ang inaasahang magiging malungkot (“malungkot”), at 25% ang nagsabing hindi ito magiging masaya o malungkot.

Mas mataas ang antas ng pag-asa sa pagsalubong ng Bagong Taon sa mga umaasang magiging masaya ang Pasko (92%), kumpara sa mga nagsabing neutral ang Pasko (83%) at sa mga umaasang magiging malungkot ito (79%). “Palaging mas mataas ang pag-asa para sa darating na Bagong Taon sa mga umaasang magiging masaya ang Pasko,” ayon sa SWS.

Batay sa rehiyon, pinakamataas ang antas ng pag-asa sa Balance Luzon sa 92%, sinundan ng Metro Manila sa 90%, Visayas sa 85%, at Mindanao sa 84% noong Nobyembre 2025. Kung ihahambing sa pagtatapos ng 2024, bumaba ang pag-asa sa Mindanao ng limang puntos mula 89%, at sa Visayas ng dalawang puntos mula 87%. Nanatili naman sa 92% ang Balance Luzon at halos hindi nagbago sa Metro Manila mula 91%.

Natuklasan din sa survey na mas mataas ang antas ng pag-asa sa mga may mas mataas na antas ng edukasyon. Noong Nobyembre 2025, ang optimism rate ay 93% sa may ilang senior high school education, 91% sa college graduates, at 90% sa junior high school graduates. Mas mababa ito sa elementary graduates (86%) at non-elementary graduates (81%).

Kung ikukumpara sa pagtatapos ng 2024, bumaba ang pag-asa mula 96% sa college graduates at mula 89% sa elementary graduates. Nanatili naman sa 93% ang may ilang senior high school education, halos hindi nagbago sa junior high school graduates (91%), at sa non-elementary graduates (83%).

Nauna nang iniulat ng SWS na 29% ng mga Pilipinong nasa hustong gulang ang nagsabing gumanda ang kanilang kalidad ng buhay sa nakalipas na taon (“gainers”), habang 36% ang nagsabing ito ay lumala (“losers”). Para sa susunod na 12 buwan, 44% ang umaasang gaganda ang kanilang kalidad ng buhay (“optimists”), 38% ang naniniwalang mananatili ito, at 8% ang nagsabing ito ay lalala (“pessimists”).

Ayon sa SWS, gamit ang census weights at tamang pag-round ng datos, 13% ng respondents ay mula sa Metro Manila, 45% sa Balance Luzon, 19% sa Visayas, at 23% sa Mindanao. Pantay na 50% ang mula sa urban at rural areas. Ang ratio ng lalaki at babae ay 1-to-1 at salit-salitang isinama sa sampling.

Batay sa edad, 11% ay kabataan na may edad 18–24, 20% ay 25–34, 20% ay 35–44, 16% ay 45–54, at 33% ay 55 taong gulang pataas. Sa antas ng edukasyon, 10% ang may hanggang ilang elementary education, 27% ang nagtapos ng elementary o may ilang high school education, 30% ang nagtapos ng junior high school o vocational, 22% ang may ilang senior high school, nagtapos ng senior high school o vocational, o may ilang college, at 11% ang college graduates o may post-graduate studies.

Ang Fourth Quarter 2025 Social Weather Survey ay isinagawa mula Nobyembre 24 hanggang 30, 2025 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adults (18 taong gulang pataas) sa buong bansa—tig-300 sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao. Ang sampling error margins ay ±3% para sa national percentages at ±6% para sa bawat lugar.

Ang area estimates ay tinimbang gamit ang Philippine Statistics Authority (PSA) medium-population projections para sa 2025 upang makuha ang national estimates. Nilinaw ng SWS na ang mga survey items na ito ay non-commissioned at bahagi ng kanilang public service initiative.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo