Dumalo sa “Pilipinas Debates 2022” ng Commission on Elections (Comelec) ang siyam na presidential aspirants sa Harbour Garden Tent ng Sofitel Hotel sa Pasay City kagabi para sa una sa five-series event.
Unang dumating, mga tatlong oras bago magsimula si Dr. Jose Montemayor Jr., na nagsabing tiwala siyang masasagot niya ang lahat ng tanong.
Sumunod ay si Faisal Mangondato, kasunod si Senador Panfilo Lacson na laging nakahanda para sa isang debate.
Sinabi ni Labor leader Leody de Guzman na nire-review niya ang mga kasalukuyang kaganapan bago ang debate habang inamin ni dating Defense Secretary Norberto Gonzales na mahirap maghanda dahil wala silang ideya kung ano ang itatanong.
Sinabi ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na ang bawat kandidato ay dapat may konkretong plano kung paano labanan ang Covid-19 pandemic.
Dumalo rin sina Vice President Leni Robredo at dating tagapagsalita Ernie Abella habang si Senador Manny Pacquiao ang huling dumating.
Sa isang panayam, minaliit ni Pacquiao ang mga resulta ng survey na nagpapakitang hindi siya preferred candidate sa Mindanao kahit na siya ay nagmula sa General Santos City. Aniya, umaasa siya sa mga boto ng class ng D-E o ng mahihirap na sektor.
Samantala, tinanggihan ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita na si Vic Rodriguez, ang imbitasyon ng Comelec.
Nasa Marikina City sina Marcos at running mate na si Sara Duterte para sa isang campaign rally.
Nauna ring sinabi ni Duterte na ang pagdalo sa mga debate ay hindi bahagi ng kanyang diskarte sa kampanya.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.