9 pulis Batangas sinibak sa pwesto dahil sa pagkamatay ng 2 drug suspects

0
197

CALAMBA CITY, Laguna. Tinanggal sa puwesto ang isang hepe ng pulisya at walo nitong tauhan dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa pagkamatay ng dalawang drug suspects sa boundary ng Tiaong, Quezon at San Juan, Batangas noong Mayo 28 ng taong kasalukuyan.

Ayon kay Police BGeneral Paul Kenneth Lucas, CALABARZON police director, si Lt. Col. Jesus Lintag ng San Juan police station at walo nitong tauhan ay pansamantalang inilipat sa Provincial Personnel Holding Center. Itinalaga naman si Col. Rommel Sobrido bilang Officer in Charge ng istasyon.

Nagtatag si General Lucas ng isang special investigation team para pag-aralan kung may nilabag sa standard operating procedures ng kapulisan ang siyam sa pagpapairal ng batas.

Sa record ng CALABARZON PNP, isang Bryan Laresma, alias Balot, ang napatay sa diumano ay shootout na naganap sa pagitan ng mga anti-narcotics at ng suspects. Isang caliber .38 revolver at dalawang sachet ng shabu ang narekober sa bangkay ng biktima.

Humingi ng tulong ang pamilya ni Laresma sa tanggapan ng National Bureau of Investigation para sa panibagong autopsy sa bangkay ng suspects at sa Commission on Human Rights para sa isang parallel na imbestigasyon.

Batay sa pahayag ng kapatid ni Laresma, pababa na umano ang kaniyang kapatid sa motorsiklo nang pagbabarilin ng mga pulis na nakasakay sa dalawang kotse. Pinabulaanan naman ni Lintag ang akusasyon at sinabing lehitimo ang kanilang isinagawang operasyon.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.