9 suspek sa ‘vishing scam’ inaresto ng ACG sa kasagsagan ng bagyong Carina

0
226

TRECE MARTIRES, Cavite. Siyam na miyembro ng sindikato na sangkot sa “vishing scam” ang naaresto ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) sa gitna ng pananalasa ng bagyong Carina at habagat, noong kamakalawa ng gabi sa bayang ito sa Cavite.

Ayon sa ulat ni ACG Acting Director Police Brig. General Ronnie Francis M. Cariaga, nagsagawa ang mga tauhan ng ACG Cyber Response Unit (CRU) ng dalawang warrants to search, seize, and examine computer data (WSSECD) laban sa pangunahing suspek sa kanyang opisina sa General Trias at bahay sa Trece Martires, Cavite, bandang 9:00 ng gabi.

Sa operasyon, naaresto ang babaeng pinaniniwalaang lider ng grupo na si alyas “Apol,” 34, kasama ang walong iba pang miyembro ng sindikato. Ang modus operandi ng grupo ay ang pagtawag sa mga biktima at pagpapanggap na empleyado ng mga bangko upang makuha ang impormasyon ng kanilang mga bank account.

Narekober sa mga suspek ang mga rehistradong SIM cards, mga Information and Communication Technology (ICT) devices, at iba’t ibang dokumento na naglalaman ng bank at credit card information.

Nanawagan si PBgen. Cariaga sa publiko na ipagbigay-alam sa ACG kung sila ay naging biktima ng “vishing scam,” upang agad itong maaksyunan.

Nagpaalala din ang PNP-Anti-Cybercrime Group sa publiko na huwag magbigay ng bank information sa kahit sinong caller.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.