90,000 lumahok sa Bonifacio Day nationwide protests, ayon sa PNP

0
282

MAYNILA – Tinatantyang nasa 90,000 katao ang lumahok sa kilos protesta ng iba’t ibang grupo noong Nobyembre 30, ayon sa Philippine National Police PNP.

Sa ulat ng PNP hanggang 5 p.m., nasa 87 grupo ang tuluyan nang natapos habang 32 pa ang nagpapatuloy.

Pinakamalaki ang bilang ng mga kalahok sa Metro Manila na umabot sa humigit kumulang 16,000.

Nagpahayag ng pasasalamat si PNP acting chief Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga organisador, marshal, at mga mamamayan na lumahok nang may disiplina at respeto sa kaayusan. Aniya, ang kooperasyon ng publiko ay mahalaga upang maging mapayapa at walang malaking insidente ang mga protesta.

Aminado si Nartatez na may ilang indibidwal na nagtangkang manggulo sa ilang pagtitipon. Sinabi niyang agad itong naresolba ng quick response teams upang maiwasan ang anumang paglala ng sitwasyon at mapanatiling ligtas ang publiko. Pinuri rin niya ang mga mamamayang nagpaabot ng impormasyon sa pulisya.

Sa ulat ng “24 Oras” ni Mariz Umali, lumahok sa People Power Monument ang mga grupo mula sa iba’t ibang sektor na may iisang panawagan, ikulong ang mga tiwali at ibalik ang nakaw na yaman ng bayan.

Ilan sa mga nakitang personalidad sa pagtitipon sina Akbayan Partylist Representative Chel Diokno, dating Senate president Franklin Drilon, Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Kamanggagawa Partylist Representative Eli San Fernando, dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Akbayan Partylist member Perci Cendaña, dating presidential legal counsel Salvador Panelo, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Ballsy Aquino, ML Partylist Representative Leila de Lima, dating NEDA chief Winnie Monsod, Senator Kiko Pangilinan, at Senator Bam Aquino.

Sumama rin sa mga protesta ang ilang artista at kilalang personalidad sa People Power Monument at sa Luneta.

Kinumpirma ng PNP noong Linggo ng gabi na generally peaceful ang mga kilos protesta laban sa korupsyon sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa. Sinabi ni Nartatez na tapos na ang kanilang dispersal operations at nakatuon na ang mga pulis sa pagsisiguro ng kaligtasan ng mga uuwi at pagpapanatili ng kaayusan sa mga pangunahing kalsada.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.