98% ng mga paaralan, bukas na para sa school year 2024-2025

0
320

MAYNILA. Nasa 98% ng mga paaralan sa bansa ang matagumpay na nakapagbukas ng klase para sa School Year 2024-2025 kahapon, Lunes, Hulyo 29. Sa kasalukuyan, aabot sa mahigit 20.5 milyon ang bilang ng mga mag-aaral na nakapag-enrol para sa taong panuruan na ito.

Sa kanyang pagbisita sa Carmona National High School upang personal na makita ang sitwasyon ng pagbubukas ng klase, sinabi ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na ang natitirang 2% ng mga paaralan ay hindi nakabukas dahil sa pinsalang dulot ng bagyong Carina at Habagat sa kanilang lugar.

Ayon kay Angara, “Maliit lang kasi… wala pang ano siguro eh, wala pang 2% of the whole country. So ibig sabihin, 98% of schools, nagbukas.”

Batay sa datos ng DepEd, hanggang Hulyo 28, 842 paaralan sa bansa ang nagpasyang ipagpaliban ang pagbubukas ng klase, na nakaapekto sa 803,824 mag-aaral. Karamihan sa mga paaralang ito ay nasa Region 3 (452); National Capital Region (225); Region 1 (95); Region 4A (66); at Region 12 (apat).

Nilinaw ni Angara na ang mga paaralang nagsuspinde ng klase ay kinakailangang magdaos ng Saturday classes upang mabawi ang mga araw ng pasok na nawala sa kanila.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo