MAYNILA – Pinagsusumite ng courtesy resignation ang kabuuang 99 na opisyal ng Office of the Ombudsman na itinalaga mula Mayo 29 hanggang Hulyo 27, 2025. Ang kautusan ay inilabas ni Ombudsman Jesus Crispin C. Remulla sa Office Order No. 347 na may petsang Oktubre 22, 2025.
Kabilang sa mga opisyal na sakop ng utos ay dalawang assistant ombudsman, apat na direktor, tatlong graft investigation officers (GIO), 60 graft investigation and prosecution officers (GIPO), at 30 assistant special prosecutors (ASP).
Ayon sa dokumento, ang mga naturang posisyon ay may Salary Grades 25 hanggang 29, na may katumbas na buwanang suweldo mula P111,727 hanggang P180,492.
Bukod sa mga ito, hinimok din ni Remulla ang mga bagong hinirang na kawani na may Salary Grade 24 pababa o may suweldo na P85,074 pababa na maghain ng kanilang courtesy resignation bago sumapit ang Oktubre 29.
Itinalaga si Remulla bilang bagong Ombudsman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Oktubre 7, 2025. Pinalitan niya si dating Ombudsman Samuel R. Martires, na natapos ang kanyang pitong taong termino noong Hulyo 27.
Noong Oktubre 20, ibinunyag ni Remulla na may natuklasan siyang 204 na posibleng “midnight appointees” sa ahensiya, o mga opisyal na umano’y hinirang bago ang pag-alis ni Martires.
Nagbabala siya na kung hindi magpapasa ng panibagong aplikasyon ang mga naturang opisyal, ituturing silang “midnight appointees.”
Nilinaw rin ng Ombudsman na ang hakbang ay bahagi ng pagsusuri sa mga bagong itinalagang kawani upang matiyak ang integridad at propesyonalismo sa loob ng ahensiya.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






