Homeless na hit and run victim, iniligtas ng Laguna PNP

0
388

Pagsanjan, Laguna.  Isang lalaking homeless na biktima ng hit and run ang dinala ng mga tauhan ng Pagsanjan Municipal Police Station sa Laguna Provincial Hospital matapos nilang makita sa Facebook post ng isang concerned citizen ang video ng biktimang nakahiga sa plaza ng nabanggit na bayan.

Inabutan ng mga pulis na nakahandusay sa isang tabi ng plaza ang biktima na may mga sugat at pasa sa hita. Hindi pa makuha ang pangalan ng lalaki habang isinusulat ang ulat na ito sapagkat hindi pa ito makapagsalita, ayon sa report.

Batay sa paunang imbestigasyon, sinabi ni PMAJ Clemente T. Garcia lll, hepe ng Pagsanjan MPS, nakita sa closed circuit TV (CCTV) na isang KIA Pride na kulay asul na galing sa Cavinti at papunta sa direksyon ng Sta. Cruz, Laguna ang sumagasa sa biktima habang nakaupo ito sa gitna ng kalsada. Matapos makasagasa ay tuloy tuloy na umalis ang sasakyan sa halip na huminto at tulungan ang kanyang nabiktima, batay sa nakuhang CCTV footage.

Nasa pag iingat na ng mga pulis ang kopya ng CCTV footage at nakatakdang sumailalim sa imbestigasyon upang matukoy ang driver ng KIA pride.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.