Rapist, arestado sa San Pablo City

0
415

San Pablo City, Laguna.  Arestado sa lungsod na ito sa isang hot pursuit operations ang isang nanghalay sa kanyang kabarangay kahapon at kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag sa RA 8353 o The Anti-Rape Law of 1997.

Ang suspek na kinilalang si Leonel Morales Mamano, 34 anyos na delivery man at residente ng Brgy. San Joaquin, sa nabanggit na lungsod ay inaresto matapos tugisin ng mga elemento ng San Pablo City Police Office (CPO) sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni PLTCOL Garry C. Alegre.

Ayon sa paunang imbestigasyon, bandang 9:30 ng gabi, nadaanan ng biktima ang suspek na nakikipag inuman habang siya ay naglalakad pauwi matapos bumili ng hotdog sa tindahan. Diumano at sinundan siya nito hanggang sa kanyang bahay kung saan ay naghihintay ang kanyang asawa. Pumasok ang suspek sa bahay at sinigawan ang asawa ng biktima at sinabing “huwag utusan ang kanyang asawa na bumili sa tindahan kapag gabi dahil hindi ito ligtas.”

Sapagkat lasing ang suspek at patuloy ito sa pagsigaw, umalis ang asawa ng biktima at pumunta sa barangay hall upang humingi ng tulong. Noong makaalis ito ay hinablot ng suspek ang biktima at kinaladkad sa isang taniman ng gulay at sinimulan siyang halayin. 

Naudlot ang panggagahasa ng magsisisigaw ang biktima matapos makita nito ang paparating na barangay patrol na lulan ang kanyang asawa kasama ang mga barangay tanod. Gayun pa man, nakatakas ang suspek.

Agad namang nagkasa ng hot pursuit operations ang San Pablo CPL na kinabilangan nina PCpl Lou Bien Teves Flores at PCpl Jerald Makayan Mendoza kasama ang mga opisyal ng barangay na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Kasalukuyang nakakulong sa San Pablo CPO custodial facility ang suspek habang inihahanda ang mga kaso laban sa kanya.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.