Biñan City, Laguna. Arestado ang isang babaeng nangholdap at nagpaputok ng baril sa Alfa Mart sa lungsod na ito kagabi.
Kinilala ni Laguna Police Provincial Office Director PCol. Cecilio R. Ison Jr. ang suspek na si Celeste Mercado alyas Cel, 44 anyos na residente ng No. 71, Burgos St., Brgy. Isip Norte, San Manuel, Pangasinan.
Ayon sa imbestigasyon ng Binan City Police Station (CPS) na pinangunahan ni P/Lt. Col. Jerry B Corpuz, hepe ng Binan CPS, nangyari ang insidente sa ganap na 8:02 ng gabi, May 28, 2022 sa Alfamart, Alfa-Metro Marketing, University Central sa Brgy San Antonio, Biñan City, Laguna.
Ayon sa pahayag ng store crew ng Alfamart na si Ronald Rey Espinosa, lalaki, 34 anyos, pumasok ang dalawang suspek sa tindahan na may dalang baril, nag deklara ng hold-up at nagpaputok ng dalawang beses sa kisame at saka kinuha ang humigit kumulang Php 12,510.00 na laman kaha.
Matapos makuha ang laman ng kaha ay nagsitakbo ang mga suspek patungo sa direksyon ng Brgy. San Vicente ngunit nakorner ng doon ng mga bystander si Mercado samantalang nakatakas naman ang kasama nito na hindi pa nakikila.
Agad na rumesponde ang mga pulis ng Binan CPS na kasalukuyang nagsasagawa ng pagbisita sa mga establisyimento na malapit sa nasabing lugar.
Dinakip si Mercado at nakumpiska sa kanya ang isang .38 revolver na may dalawang bala. Kasalukuyan siyang nasa custodial facility ng Binan CPS at isasailalim sa masusing imbestigasyon.
Samantala, nagkasa na ng hot pursuit operations ang nabanggit na CPS upang tugisin ang isa pang kasama ng nadakip na suspek na mag tangay ng ninakaw na pera.
Iimbestigahan ang grupo ni Mercado kung kasangkot sila sa mga series ng hold up sa mga Alfamart at iba pang retailer stores sa Laguna at sa mga karatig probinsya, ayon kay Ison.
Roy Tomandao
Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.