Suspek sa robbery, rape at pagpatay sa Batangas, arestado

0
192

Lipa City, Batangas. Nakorner ng mga miyembro ng Lipa City Police Station (CPS) ang mga pinaghahanap na mga suspek na sangkot sa insidente ng pagnanakaw, panggagahasa at pagpatay sa Lipa City noong nakaraang buwan.

Kinilala ni Batangas Police Office Provincial Director PCOL Glicerio C. Cansilao ang mga suspek na sina Rogelio Jose, 35 at Kenneth Manzanero, 31, pawang mga residente ng Riles Site, Purok 2, Brgy. Balintawak, Lipa City.

Ayon sa imbestigasyon, ang dalawang suspek ay responsable sa pagpatay at panggagahasa kay ­Lo­rena Roaring noong Abril 19 sa lay-by ng KM 78+900 Southbound, Star Tollway, Brgy. Tibig, Lipa City at isa pang babaeng biktima.

Sa isinagawang follow up operations ng Lipa CPS, narekober mula kay Jose ang isang .45 na Colt MK IV, mga bala, magazine, at isang Realme cellphone.

Narekober naman mula kay Kenneth Manzanero ang isang .22 na magnum revolver at mga bala para sa kalibre 45. na baril.

Sa proseso ng imbestigasyon kina Jose at Manzanero sa Lipa CPS, kinilala at itinuro ng isa pa nilang 36-anyos na biktima na sila ang mga gumahasa at nagnakaw sa kanya.

Natandaan ng rape victim ang Nike slip-on na tsinelas na suot ng suspek na si Jose na siya ring suot nito noong araw na ninakawan at ginahasa siya.

Narekober din mula sa tirahan ng mga suspek ang isang PAF uniform green t-shirt, itim na Ego Denim Edge na pantalon. Nakuha rin dito ang garterized band; isang Samsung cellphone; isang Huawei Cellphone; isang lucky bracelet na itim; at isang itim na bag na may trademark na HP na kinilalang pag-aari ng pinaslang na biktima na si Lorena Roaring

Isinampa na ng kasong “Robbery with Rape” laban sa mga suspek noong Mayo 30, 2022 sa opisina ng Assistant City Prosecutor ng Lipa City.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.