Tanging mga transparent na bag lamang ang papayagang bitbitin ng mga bisitang dadalo sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos sa National Museum of the Philippines sa Hunyo 30, ayon sa Philippine National Police (PNP) kanina.
“Ipinagbabawal natin yung pagdadala ng mga (backpacks) and any other covered materials. We will only allow transparent materials. Kahit yung mga lalagyan ng tubig na canisters na de color ipinagbabawal din po yan,” ayon kay PNP officer-in-charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr. sa mga reporter sa panahon ng inspeksyon sa inauguration venue.
Sinabi rin niya na ang PNP ay magde-deploy ng humigit kumulang na 7,000 pulis upang matiyak ang seguridad sa paligid ng museo at tutulong din sila sa pagi- screen ng mga dadalo.
Isang linggo na lamang bago ang inauguration rites, sinabi ni Danao na halos kumpleto na ang kanilang paghahanda sa seguridad.
Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta dahil aasahan ang matinding trapiko, partikular sa mga kalsadang papunta at palabas ng National Museum.
Bagama’t pinapayagan ang mga kilos-protesta sa “freedom parks” kahit walang permit, sinabi ni Danao na hindi nila papayagan ang mga nagpoprotesta na lumapit sa inauguration venue upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na mga insidente.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.