Sukli sa tiwala at hiram na kapangyarihan

0
443

Matalo o manalo sa eleksyon, ang mga pulitiko ay naglalahad ng gastusin sa pangangampanya sa eleksyon. Matalo o manalo ang sinuportahan sa halalan, ang mga mamamayan ay nag-aabang ng sukli sa tiwala ng nakararami mula sa mga nagwaging kandidato. Ang sukli ay maihahatid sa pamamagitan ng pagtupad sa mga pangakong binitawan noong nanliligaw pa sila ng boto, pagganap sa tungkulin, pagsunod sa yapak ng magagandang nasimulan at, kung hindi man matumbasan, mahigitan pa ang pamana ng mga nagdaang administrasyon.

Dalawang panig ang nagsasabi ng kani-kanilang sukatan ng kagandahan ng mga nasimulang patakaran at proyekto: Kung may nagagandahan sa pamamalakad ng mga pangulo matapos ang EDSA, meron ding hindi. Sa madaling salita, merong pro-Cory, anti-Cory, pro-FVR, anti-FVR, pro-Erap, anti-Erap, pro-Gloria, anti-Gloria, pro-Aquino, anti-Aquino, pro-Duterte, anti-Duterte. Pinakahuling dalawang panig: pro-BBM at anti-BBM.

Sa mga malalayang bansa, pinagana at patuloy na pinagagana ang pamahalaan ng mga batas, hindi pamahalaan ng mga tao. Ika nga, walang sini-sino o sinasanto ang batas. Ipinaliwanag ko na ito minsan sa kolum at hetong muli: May sinusunod na panuntunan, sa halip na may sinusunod na taong naghahari dahil sa oras na magkamali ang paghahari, ilulusot na “tao lang”. Kung may panuntunan, may pinagkaisahan. Kung may pinagkaisahan, naroon ang pagkamamamayan. “Sovereign” Filipino people tayo. Ibinibigay natin ang kapangyarihan sa pamahalaan (“all government authority emanates from the people”) …meron tayong kapasidad na magbigay at magturo kung ano ang gagawin nila sa kapangyarihan, at nakaantabay tayo sa kaganapan – online, offline, lantad, tago, labas o loob ng opisina – ng mga nanumpang ipagtatanggol ang panuntunan lalo ang Saligang Batas.

Susumpa sa ganoon si President-elect Marcos Jr. bukas, Hunyo 30.

Hindi sana ang mga mamamayan gagawa ng makabagong panuntunan kung ang pag-uusapan ay tungkulin ng pangulo bilang paggalang sa panunumpang iyon. Hindi na bago ang mga panunumpa ng nabanggit nating anim na pinuno matapos ang EDSA, kaya ganoon din ang panunumpang aasahan kay Marcos Jr. Walang pinag-iba at lalong madaling pakaintindihin dahil sa anim na iyon, maaari niyang sundan ang kani-kaniyang mga unang araw sa pwesto ng mga kaalyado at ka-UniTeam niyang sina Pangulong Erap, Gloria at Duterte.

Kung iniisip ng ilan na ibahin naman ni Marcos Jr. ang panunumpa niya sa katanghalian ng katapusan ng buwang ito, paniguradong napakalimitado ng mga iibahin. Hindi maaaring hindi sa Saligang Batas ng 1987 siya susumpang ipagtatanggol ito at hindi maaaring hindi siya hihingi ng tulong mula sa Diyos sa pagbabanggit niya sa dulo ng panunumpa lalo na’t hindi na bago sa kanya ang huling pangungusap na “So help me God.”

Sa kahalagahan ng panunumpa at ng mga nirerepresenta nito, mahalagang maunawaan ng mga mamamayan na merong mga bagay na hindi ginigiba at hindi iniiba. The systems of check and balance are in place. Arbiter man sa polisiya sa dalawang partisang sangay ng pamahalaan si Marcos Jr., ang final arbiter naman ay Supreme Court. Hindi natin papayagang panghimasukan ng kahit sinong pulitiko ang mga korte (mababa at mataas) na may mga sariling kapangyarihang iniatang ng Konstitusyon.

Mahalaga ring maunawaan ng mga mamamayan na ang pinakamataas na pinuno ay may katungkulang general supervision sa mga lokal na pamahalaan. Ibig sabihin, walang general control sa mga LGU ang sinumang pangulo.

Kung aakto rin siyang Secretary of the Department of Agriculture, pangmatagalan kaya ito? Meron kasing mga bentahe at mga hindi bentahe ang pagiging kalihim sa parte ng presidente, sang-ayon sa pag-aanalisa ng mga eksperto sa pribadong sektor at mga dating nanilbihan sa pamahalaan. Gayunpaman, marami ring eksperto at angkop na angkop sa mga posisyon ang mga nasa economic team ng Marcos administration. Ipanalangin natin ang katagumpayan nila na katagumpayan din ng mga mamamayan.

Paano naman ang katagumpayan ng mga mahihirap na pamilya sa matagumpay na kampanya ng mga makakapangyarihang pamilyang bumubuo ng parami nang paraming political dynasties na ayaw natin sa salita (sa Konstitusyon) pero hindi naman ayaw sa gawa? Abangan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.