Bayad na ba si Mayor? Iyon ay kung naniningil nga ang mga botante

0
443

Ladies first: “Herstory” after herstory! Ito’y para sa mga Pinay. Pero sige, makikihalo na tayo sa perspektibong feminista. History after history para sa mga Pinoy at Pinay na manlalaro. Nasundan ang pagkawagi ng kauna-unahang gintong pang-Olympics ni Hidilyn Diaz ng isa na namang kampeonato matapos padapain ng Pilipinas ang regional powerhouse Thailand, 3-0, sa ASEAN Football Federation (AFF) Women’s Championship noong Linggo sa Rizal Stadium.

“(I)n terms of mindset nothing really changed, but losing a game is always an opportunity to learn and every day we prepare the same way. And our coaches do a really good job of preparing video so that we can learn from our mistakes.” Sa ganito tumugon si Jackie Sawicki sa tanong ni CNN Philippines sports anchor Andrei Felix kung ano nga ba ang nabago sa kanila nila team co-captains Tahnai Annis, Hali Long, Katrina Guillou, at sampu ng kanilang mga kasamahan. 

Ipagpatuloy ang pag-arangkada, kulang man sa suporta. At iyon na nga ang panawagan: Paigtingin ang pagsuporta sa mga atletang bitbit ang ating bandila.

Heto na ang pangunahing paksa: kung ano na ang nabago sa Pilipinong botante.

Ibinibigay ko ang kredito sa beteranong brodkaster at manunulat, Ed Lingao, na napatanong sa mga panauhin at tagasubaybay ng kanyang programa sa TV5 na sa radyo ko naman napakinggan kagabi, “Naniningil nga ba?” Tinutukoy ni Ed ang botante sa pangkalahatan, at kung bakit naglahong parang bula ang nangako sa kanya matapos mabigo sa mga pangako katulad ng anim na buwang paglansag ng problema sa droga at katiwalian sa gobyerno. Baka bayad na ang pulitiko sa botante na nakatanggap na umano ng “one-five” (P1,500) mula sa mayor, gobernador, o sinumang pinunong halal, ayon naman sa isang panauhin. Sa ganoon daw, sa mababaw na pagtingin ng botante, wala nang sisingilin pa mula sa pulitiko. Maling mali.

Balanse ring naitampok ng programa nila Ed ang pagbabalik-pwesto ng mga Marcos sa kabila ng lahat ng pag-uusig na may kasaysayan ng paglabag sa karapatang pantao at katiwalian. Sa botante, nanaig ang perception na dahil may Junior ang nanguna sa golden age dati, ang anak naman daw ang karapat-dapat pagbigyang maging pangulo. Sa paliwanag ng isa pang panauhin, may kabigatan ito sa kung ano ang aasahan sa pangulo. Una raw kasi, mali ang sagap sa “golden age” at kailangang tanggapin ang pagkakamali sa diwa ng pagkakaisa patungo sa kung ano ang dapat paunlarin sa susunod na anim na taon. Pangalawa, dahil sa kumukuha raw siya ng mga mahuhusay na tao sa gabinete mula sa mga naunang administrasyon, tema nito’y continuity. Idiin natin: tama ang tema. May maganda palang nangyari, kung bakit naman kwestiyonable ang tatlumpu’t anim na taon matapos ang EDSA People Power Revolution na tumuldok sa mahabang panunungkulan – 20 taon – ng kanyang ama.

May mahalagang pagkukumpara sa panayam: pamanang Aquino III-Duterte at pamanang Duterte-Marcos Jr. Nasa mga positibong marka ang datos sa ekonomiya, kabilang ang debt-to-GDP ratio na iniwan ni Aquino kay Duterte, pero kakatiting na pag-usad hanggang sa paglobo ng utang ng Pilipinas ang iniwan naman ni Duterte sa kasalukuyan. Sa negatibong pamana, madadalian ba si Marcos? Nawa’y patuloy ang panalangin ng 31-milyong botante at mga hindi bumoto sa kanya upang magtagumpay siya.

Mula pa rin sa programa, meron daw simbolismo sa pag-assign sa sarili sa agriculture portfolio: na tututukan niya ang mga suliranin ng mga magsasaka, ng ating hapag-kainan, at ng kabuuan ng value chain. Simbolong mahusay. Simbolo. Abangan. Pabababain sa P20 ang halaga ng bigas? At kung maniningil nga ba sa pangakong iyon ang botante.

Samantala, sa obserbasyon ko, kailangang mag-relax ang pangulo at kailangan niyang makitang relaxed din si Trixie Angeles kapag ang press secretary niya’y isinalang na siya sa rostrum at pinahawakan ng mikropono. Heto kasi: “The Libreng Sakay… what we have done is we will continue the Libreng Sakay but what we are going… we are going to stop the Libreng Sakay in MRT-3,” sabi ni Presidente Marcos.

Tapos na ang libreng sakay sa MRT-3 noong ika-30 ng Hunyo. Tanggap naman ni PBBM na meron siyang nakaliligtaan sa tagpong iyon kaya heto pa: “We will transfer the Libreng Sakay to students… Sorry, I think I’m doing this wrong.” Kinalaunan, may naayos sa pananalita. Heto ulit si Presidente: “Libreng Sakay continues as is. That continues. But what we are going to do is we are going to do a program for the students. Because if they come in, we will fully subsidize first their pamasahe. We’ll phase it out because we cannot afford to keep that going. But students will ride for free on LRT 2, which is going to the university belt.” Ang press briefing niya ay merong Portable Document Format (PDF) transcript na hatid sa ating lahat ng website ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), dated July 5.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.