Pekeng pulis arestado dahil sa pangingikil sa Batangas

0
380

Calaca, Batangas. Isang pinaniniwalaang extortionist na nagpapanggap na opisyal ng Philippine National Police (PNP) Maritime Group ang inaresto ng mga opisyal ng barangay sa bayan ng Calaca sa lalawigan ng Batangas noong Sabado, Hulyo 23, ayon sa report ng pulisya kahapon.

Ayon kay Police Colonel Glicerio Cansilao, hepe ng Batangas City Police Station, nagsagawa ng citizen’s arrest ang mga opisyal ng barangay sa Barangay Salong at ikinulong si Zoren Guerrero, 20 anyos.

Ayon pa rin sa ulat ng pulisya, si Guerrero ay nagpakilalang si “Lieutenant Ramos” mula sa PNP Maritime Group na nakatalaga sa National Capital Region, at nagtangkang mangikil sa isang mangingisdang na si Garry De Gala, na nagkataong isang barangay kagawad.

Nang hingin ang kanyang police identification card, nabigo ang suspek na maipakita ito, na nagtulak kay De Gala na humingi ng tulong sa iba pang opisyal ng barangay na nagresulta sa pagkukulong sa pekeng pulis.

Nauna dito, inalerto na ng Philippine Coast Guard sa Batangas ang mga barangay officials na may nagkunwaring pulis na umiikot sa mga coastal village at humihingi ng pera sa mga mangingisda.

Nakakulong ngayon ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong usurpation of authority at extortion.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.