2 Nigerian scammers nasakote sa San Pedro

0
502

San Pedro City, Laguna. Arestado ng mga operatiba ng San Pedro City Police Station at ng mga elemento ng Cavite Provincial Intelligence Unit, at Regional Anti-Cybercrime Unit 4A ang dalawang Nigerian national at isang kasabwat sa China Bank, sa Brgy. Nueva, lungsod na ito.

Kinilala ni Police Regional Office  CALABARZON Director, Brig Gen Antonio Yarra ang mga suspek na sina Samuel Nomso Esomchi, Nigerian, 42 anyos na residente ng Brgy. Buaya, Imus, Cavite; Taye John Bamidele, Nigerian, 40 anyos na residente ng Brgy. Tandang Luna III, Imus City, Cavite at Gladys Rias Francisco, 47 anyos na residente ng 9687 Rosas St., Barangay Maduya, Carmona, Cavite.

Kinilala ang biktima na si Surjan Singh Kathait, lalaki, Indian, 45 gulang na negosyante, at residente ng 318 Aleya St., Aleya residence, Bacoor, Cavite.

Ayon sa ulat, tinangka ni Francisco na mag-withdraw ng P400,000.00 mula sa China Bank San Pedro Branch na siyang nag-coordinate ng transaksyon sa China Bank Carmona para sa inter-branch withdrawal.

Ngunit nakakuha ang huli ng impormasyon mula sa China Bank Bonifacio Global City, Taguig, na ang nasabing remittance ay na-hack at posibleng may naganap na fraud.

Ang Branch Manager ng China Bank na si San Pedro, Ma. Victoria Marquez ay nakipag-coordinate sa kanilang security office at sa San Pedro Police upang i-report ang insidente.

Sa follow-up operation, nahuli si Esomchi sa Petron San Pedro habang si Bamidele, ay nahuli sa Robinsons Galleria South.

Narekober sa kanilang na-withdraw na cash na nagkakahalaga ng P1,400,000.00.

Ang mga dinakip na suspek ay kasalukuyang nasa custodial facility ng nasabing police station at ipinadala sa Provincial Directorate for Investigation and Detective Management, Laguna Police Provincial Office, para sa kaukulang disposisyon ng kaso.

Nakatakda silang humarap sa kaso ng paglabag sa Republic Act 10175, Sec 4 (b) (2), na kilala bilang “Cybercrime Prevention Act of 2012,” Computer-related fraud/ Article 315 (Swindling/Estafa) of Revised Penal Code in relation to Sec 6 ng RA 10175 sa City Prosecutors Office ng San Pedro City.

Kaugnay nito, pinuri ni Yarra ang mga miyembro ng San Pedro City Police Station, Cavite Provincial Intelligence Unit, at Regional Anti-Cybercrime Unit 4A sa matagumpay na operasyon hinggil sa pagkakadakip sa dalawang banyagang scammer.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.