SRA administrator Serafica nagbitiw sa tungkulin

0
275

Nagbitiw sa puwesto si Sugar Regulatory Administration (SRA) administrator Hermenegildo Serafica kasunod ng kontrobersyal na kautusan sa pag-aangkat ng asukal na walang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ang pagbibitiw ni Serafica ay kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa isang press statement nitong Martes.

Sinabi ni Cruz-Angeles na tinanggap na ang pagbibitiw ni Serafica, gayundin ang board member ng SRA na si Roland Beltran.

Ang “kaagad” na pagtanggap sa kanilang pagbibitiw ay nakapaloob sa dalawang liham na may petsang Agosto 15 at hiwalay na ipinadala nina Serafica at Beltran.

Ang mga liham ay nilagdaan ni Executive Secretary Victor Rodriguez, sa ngalan ni Marcos.

Ang kanilang pagbibitiw ay kasunod ng hindi awtorisadong paglagda sa Sugar Order 4, isang resolusyon na nagpapahintulot sa pag-angkat ng 300,000 metriko tonelada ng asukal.

Sa kanyang liham ng pagbibitiw noong Agosto 14 na hinarap kay Rodriguez, sinabi ni Beltran na ang kanyang hakbang ay “walang pagkiling sa anumang imbestigasyon.”

Noong nakaraang linggo, nagsumite rin ng kanyang pagbibitiw ang Agriculture chief of staff at Undersecretary for Operations Leocadio Sebastian kay Marcos, na nakaupo rin bilang pinuno ng Department of Agriculture, kasunod ng problema sa pag-import ng asukal.

Nauna dito, sinabi ng Malacañang na ang pag-iisyu ng SO 4 ay “ilegal at hindi awtorisado,” dahil ito ay tinanggihan ng Pangulo, kung isasaalang-alang ang layunin ng administrasyon na tuparin ang isang “balancing act” ng pag-secure ng abot-kaya at sapat na supply para sa mga mamimili, gayundin ang pakikinabang sa lokal na mga producer. (PNA)

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.