Nakahanda ang Department of Health (DOH) na pigilan ang pagkalat ng monkeypox, ayon sa pagtiyak ng Malacañang sa publiko matapos matukoy ang dalawa pang kaso ng virus sa bansa.
“Siniguro ng Department of Health ang kahandaan natin para sa monkeypox matapos ang kumpirmasyon ng dalawang bagong kaso ng nasabing sakit,” yon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa isang Facebook post kagabi.
Iniulat ng DOH noong Biyernes na dalawa pang indibidwal ang nagpositibo sa monkeypox, kaya naging tatlo ang kabuuang bilang ng kaso sa bansa.
Ang pangalawang kaso ay isang 34-anyos na Filipino national, habang ang pangatlo ay isang 29-anyos na Filipino, na parehong may travel history sa isang bansang may kumpirmadong kaso.
Lumabas sa resulta ng kanilang polymerase chain reaction test na isinagawa ng DOH Research Institute for Tropical Medicine na sila ay infected ng monkeypox.
Ang dalawang kumpirmadong kaso ay walang kaugnayan sa isa’t isa o sa unang kaso at kasalukuyang nasa ilalim ng mahigpit na isolation.
Nagsasagawa ang DOH ng case investigation at contract tracing para sa dalawang kaso.
Sa paliwanag ni DOH officer in charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sinabi ni Cruz-Angeles na maaaring kumalat ang monkeypox sa pamamagitan ng skin-to-skin contact sa isang infected na indibidwal.
Pinayuhan ng DOH ang publiko na iwasan ang skin-to-skin contact sa mga hinihinalang may kaso, lalo na ang mga may rashes o bukas na sugat.
Ang mga manlalakbay mula sa mga bansang may kaso ng monkeypox ay hiniling din na humingi ng agarang medikal na atensyon kung nagpapakita sila ng mga sintomas, tulad ng lagnat, lymphadenopathy o “kulani”, at mga pantal.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.