Paglisan ng dalawang kaibigan, paglapit sa pangarap ng iba

0
389

Mahalaga ang bawat buhay. Sa pagkawala ng buhay, ginugunita ng mga kamag-anak at mga kaibigan ang halaga nito. Nalulungkot sa pagkawala nito ang iba, at meron din namang ibinabalik lamang sa Dakilang Lumikha ang mataas na papuri dahil nagamit ang hiram na buhay sa paghipo ng iba pang mga buhay sa paraang pasalita, pangungusap sa mata, pagngiti, pagpapamalas ng tapang, at pagpapaligaya. Sa pitak na ito, nais kong alalahanin ang dalawa kong namayapang kaibigan ngayong Agosto – sina Jun Concepcion at Adolfo ‘Rudy’ Vergara.

(Marami-rami na rin ang nawala lalo na noong magkapandemiya sa COVID-19. Wala akong balak na isa-isahin sila. Sinusulat ko ito sa kabila ng munting panganib na baka magkaroon ng ibang interpretasyon ng di-pagbibigay ng parehas na halaga sa ibang namatay at ilan pang mamamatay o sobrang pag-aangat naman sa dalawang paksa ko ngayon. Pakiusap: Magsilbi nawang representasyon para sa lahat ng pag-ibig sa mga kaibigan at kamag-anak ang pitak na ito sa pambihirang pagkakataon at huwag akong asahang gumawa ng obituaryo o paglalahad ng balita sa tuwina kapag may namamatay.)

Pumanaw si Juanito C. Concepcion o mas kilala namin sa mundo ng mga naglilingkod sa peryodiko bilang Jun noong Agosto 3 at hinatid sa huling hantungan ng mga nagmamahal sa kanya noong Agosto 9. Nabisita pa ang kanyang mga labi sa St. Peter Memorial Chapel sa Quezon Avenue, Quezon City. Ayon sa kanyang pinsan, meron pang dalawang journalists sa pamilya ang yumao na. Kaya nasa dugo ni Jun ang pamamahayag sa halip na “basta lamang pinabili ng suka, naging journalist na.” May tamang timpla ang mga nailalathala sa kanyang pangalan at ang mga natutulog sa pwesto’y nakakatikim ng bagsik ng kanyang panulat bilang bahagi ng katapatan sa propesyong walang pagkiling.

Sa paglipas ng panahon, patalas nang patalas ang panulat ni Jun, hindi lang sa Maynila kundi maging sa ibayong-dagat, pinakahuli’y sa Hong Kong. Dumating sa puntong adbokasiya na rin ang mga tema ng kanyang pagsusulat sa kabila ng pagtutok niya sa mga lingkod-bayan sa papuri man o konstruktibong kritisismo. Dala-dala ni Jun hanggang Hong Kong ang kaparehong bandilang iwinagayway ng mga magigiting na bayani habang may bitbit na mga sandatang pluma, makinilya, PC. Gigisingin talaga ang mga natutulog sa pansitan!

Ang mga ulat at kolum ni Jun ay kakikitaan ng elementong hindi pinakakawalan ng mga nagsisimula pa lamang sa peryodismo — napapanahon. Sa tantya ko, marami ring natamasang training ang mga kabataang sumubaybay sa kanya sa Manila Bulletin sa kanilang huwaran sa pagsusulat ng tamang impormasyon at matalinong kuro-kuro. Bilang matagal na kasamahan sa business beat, saksi ako sa husay ni Jun at sa diwa ng kanyang patuloy na pagpapayabong ng kasanayan. Batay rin sa mga naisulat niya na mababasa pa rin kung hahanapin ang mga ito sa Google at iba pang search engine, tiwala ang mga editor ni Jun at naipamamalas niya ang kanyang dedikasyon sa trabaho at dobleng ingat sa detalye mapa lokal o international media outlet katulad ng South China Morning Post at marami pang pahayagang siya ang nagtayo. Kilala rin si Jun ng overseas Filipino workers (OFWs) sa kawang-gawa. Sa isang tribute sa https://www.sunwebhk.com/2022/08/filipino-journalist-and-hk-resident-jun.html, matutunghayan ang ilan pang testimonya ng kabutihan ni Jun.

Sa Timog Katagalugan, mahalaga rin ang papel na ginampanan naman ni Rudy Vergara kung kaming mga alagad ng tri-media ang tatanungin.

Napaglingkuran ni Rudy sa abot ng kanyang makakaya at naramdaman namin ang kanyang aktibong opisina bilang public/press relations officer ni Mayor Vicente Amante ng San Pablo City. Kapatid siya ni Baby Vergara na naging alkalde ng Lian, Batangas.

Palibhasa’y maraming pulitikal na posisyong hinawakan kabilang na ang pagiging kalihim sa tanggapan ni Mayor Amante at mismong siya ang naging Kapitan ng isa sa pinakamaunlad na Barangay, sa San Rafael, San Pablo City, si Rudy ay bukas-palad at sa klase ng kanyang pakikinig sa mga lehitimong sentimiento ng mga mamamayan, panatag ang marami na may kaukulang aksyon si Rudy. Katuwang siya ng mga reporter sa opisyal na pakikipag-ugnayan sa pamahalaan ng lungsod. Malaking kawalan ang mga katulad ni Rudy lalo sa panahon ngayon na bagamat buhay na buhay ang kalayaan sa pamamahayag sa Pilipinas (at sa marami pang bansa) ay nasa bingit naman ito ng alanganin.

Heto ang mababasa natin sa Kawikaan 27:10: “Huwag mong pababayaan ang iyong kaibigan o ang kaibigan ng iyong ama. At kung nasa kagipitan ka, hindi ka na hihingi ng tulong sa kapatid mo na nasa malayo. Ang malapit na kapitbahay ay mas mabuti kaysa sa malayong kapatid.” Makatotohanan ito maging sa mga buhay na nahipo nila Jun Concepcion at Rudy Vergara.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.