Pekeng dentista arestado ng NBI sa Quezon

0
466

Lucena City, Quezon. Arestado ng National Bureau of Investigation o NBI Lucena ang isang pekeng dentista na nago-operate sa nabanggit na lungsod at mga karatig bayan.

Kinilala ang naaresto na si Blanca Capisonda-Lobusta na mas kilala sa pangalang Tita Cosa na umano’y nagpapakilala na isang lisensyadong dentista.

Sa isinagawang entrapment operation noong Biyernes ng hapon sa isang pribadong resort sa Silangang Mayao, Lucena City, isang ahente ng NBI ang nagpanggap na magpapabunot ng ngipin. Agad namang kumasa ang pekeng dentista sa pain. Nang iabot na ng ahente ang bayad sa pagpapabunot ng ngipin ay doon na inaresto ng NBI ang sinasabing pekeng dentista. Hindi na ito nakapalag sa mga kagawad ng NBI.

Ayon kay Elbert Maliwanag, Executive Officer ng NBI Lucena, napagalaman na dati ng nahuli si Lobusta sa kasong iligal na dental practice. Kasalukuyan pang nasa ilalim pa ng probation ang suspek.

Nahaharap ngayon ang suspek sa panibagong kaso ng paglabag sa Republic Act 94841 o ng Philippine Dental Act of 2007.

Nakuha sa suspek ang mga ilang gamit ng dentista. Walang naipakitang papeles si Lobusta na magpapatunay na siya ay isang lehitimong dentista. Wala rin sya sa listahan ng mga lisensyadong dentista sa Professional Regulation Commission.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.