Hangad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magbigay ng rice allowance para sa mga manggagawa ng gobyerno upang mapagaan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
“I’m going to initiate, at least for the government workers, the rice allowance. Part of the sweldo, ang pagbabayad is in rice para makatiya tayo na everybody, every family will have rice,” ayon kay Marcos sa isang panayam ni TV host-actress Toni Gonzaga sa ALLTV Channel noong Martes.
Sinabi ni Marcos, na siya ring pinuno ng Department of Agriculture, na bibilhin ng gobyerno ang mga bigas na ipapamahagi dahil mas mura ito kaysa sa mga nabibili sa merkado.
Aniya, sa inisyatiba na ito ay makikinabang din ang mga producer ng bigas dahil sa inaasahang pagtaas ng demand.
Sinabi ni Marcos na dapat baguhin ng gobyerno kung paano namumuhay ang mga mahihirap sa antas ng subsistence o ang kondisyon ng pagkakaroon lamang ng sapat na pagkain o pera upang manatiling buhay.
Samantala, nanindigan si Marcos na “posible” ang layunin niyang bawasan ang presyo ng bigas hanggang PhP20 kada kilo ngunit inamin niya na maaaring tumagal pa bago makamit ito.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.