Pagpoprotekta sa mga mamamahayag, sigla ng malayang lipunan

0
1011

Nananatiling mapanganib na larangan ang pamamahayag sa Pilipinas, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP). Maaaring hindi napapaslang ang mga mamamahayag, ngunit dama nila ang panganib sa propesyon sa paraang sila’y ginigipit ng mga apektado ng kanilang pagganap sa tungkulin. Sa nakaraang isa’t kalahating dekada, kasama na sa paraan ng panggigipit sa mga kagawad ng media ang sila’y loko-lokohin ng online trolls.

Uulitin ko ang kahalagahan ng pagbabalanse na tinalakay ko noong 2021, ang taong napasakamay ni Maria Ressa ang kauna-unahang Nobel Peace Prize para sa mga Pilipino’t Pilipina: May suliranin ang magulang kung sinisikil niya ang kalayaan ng kanyang anak na makapagpahayag ng sariling pananaw. Sa pagsiil, pwedeng hindi lumabas ang totoo. Dobleng pasakit kung mayroong masakit na katotohanan tungkol sa nagawa ng sinuman laban sa anak pero hindi niya masabi-sabi dahil sa mahigpit na paraang ginagamit ng kanyang magulang. Baka mauwi pa sa kasinungalingan ang lumalabas sa bibig ng sinisikil na anak, kaya gayon na lang ang halaga ng pagbabalanse sa larangan ng parenting, kasama na diyan ang pag gogobyerno dahil sa tungkulin nitong parens patriae (“a paternal and protective role over its citizens.”)

Maraming nabuhayan sa gantimpala ni Ressa (pati ni Dmitry Muratov, punong patnugot ng isang dyaryo sa Russia) noong Oktubre ng nakaraang taon dahil kinilala ang kanilang matapang na paglaban para sa malayang pagpapahayag na “paunang kondisyon para sa demokrasya at pangmatagalang kapayapaan.” (Nobel Prize, 2021)

Marapat lamang pakaulit-ulitin hanggang sa may matutunan ang kinauukulan: Bagama’t buhay ang kalayaan sa pamamahayag sa bansa, lubhang mapanganib naman ang naturang kalayaan.

Kung ang inaakala natin ay sapat na sa mga masasamang loob ang panggigipit sa mga mamamahayag, nagkakamali tayo. Umaabot na sa pamamaslang! Lagpas sa bilang ng aking mga daliri sa kamay at paa ang pagpatay sa mga kagawad ng media, ang ilan sa mga ito’y aking naiulat sa mga peryodikong pinaglilingkuran ko noon.

Pinakahuling biktima ng pamamaslang, kamakalawa lamang: ang broadcast journalist na si Percy Lapid.

Pagtutuunan ng pansin ng DILG at PNP ang kasong ito ng pagkitil sa buhay ni Lapid na may totoong pangalang Percival Mabasa, habang may mga pahayag ng pagkabahala ang international community. Ayon sa DILG, ang mga katulad niya ay “hard-working media practitioners across the country, who have been partners of the government in information dissemination and most importantly, in serving as watchdogs for the benefit of the public.”

Sa halip na tumaas ang antas ng pagpoprotekta sa mga mamamahayag at mamamayan sa kabuuan, lumalala pa ang mga pagpatay mula noong maibalik ang kalayaan sa pamamahayag at demokrasya noong 1986. Gayunman, ipanalangin natin ang katagumpayan ng bagong programang Revitalized PNP KASIMBAYANAN o Kapulisan, Simbahan at Pamayanan na nakabubuo ng pag-asa at minsan pa, hindi nawawalan ng kabuluhan ang mga pagpupunyagi ng mga mamamahayag, patay man o buhay.

Magpakatalino tayo sa gitna ng kawalang responsibilidad at akawntabilidad ng social media accounts ng kung sino-sino kasama na ang mga nagtatago sa kunwa-kunwariing pangalan. Marapat lang ulitin: Hindi natin sinasabing walang mali, walang korupsyon, walang pagkiling ang tri-media o dyaryo, radyo, at telebisyon. Pero tingnan natin ang lalim ng kanilang mga organisasyon, ang pagsunod sa pamantayan, code of ethics, at patakaran ng patnugutan, CSR o corporate social responsibility, paggalang at pagsunod sa kapangyarihan ng estado sa pagbubuwis na pang-indibidwal at pang-institusyon at progresibong limitasyon sa mga karapatan para sa kabutihan ng nakararami.

Hamon sa kabataan: Lasapin ang katotohanang mapagpalaya at tumulong — sa halip na manggulo — sa  sa larangan ng komunikasyon at impormasyon sa maliit o malaking paraan. Nakapaloob ang karapatang makapagpahayag ng sariling pananaw sa international human rights law (UN,1948) at sa ating Saligang Batas ng 1987.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.