Agri coop president sa Laguna, patay sa ambush

0
268

Sta. Maria, Laguna. Patay ang presidente ng isang kooperatiba ng mga magsasaka sa Sta. Maria, Laguna matapos na ito ay tambangan habang sakay ng kanyang AUV sa Marilaque Highway, Sitio Silangan, Brgy. Juan Santiago sa bayang ito kamakalawa ng umaga.

Kinilala ng hepe ng Sta Maria Municipal Police Station ang biktima na si Harrison Diamante, pangulo ng Juan Santiago Agriculture Cooperative.

Batay sa report ng Sta. Maria police, tinatahak ng biktima ang Marilaque Highway sakay ng kanyang Adventure AUV nang harangin at tambangan ito ng apat na suspek na sakay sa isang kulay puting L300 van.

Agad nasawi ang biktima dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Tumakas naman ang mga suspek papunta sa direksyon ng Siniloan, Laguna subalit nasabat ng mga rumespondeng pulis sa Brgy. Talangka ang van sinasakyan ng mga at nagkaroon ng maikling engkwentro hanggang sa sumuko at maaresto ang dalawa sa mga ito.

Kinilala ni PLt.Col. Randy Glenn Silvio, direktor ng Laguna Provincial Police Office ang mga naarestong suspek na sina Edgar Evangelio at Alex Vargas.

Nakatakas naman ang dalawa pa at kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad.

Inaalam pa ang motibo sa krimen habang inihahanda kasong murder laban sa mga suspek. 

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.