Sumuko ang 2 dating pulis na sangkot sa pagdukot kay Lasco sa San Pablo City

0
367

Sumuko sa mga miyembro ng anti-scalawag unit ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang dating pulis na sangkot sa pagkidnap sa isang master agent ng online cockfighting sa San Pablo City, Laguna noong sila ay nasa serbisyo pa.

Kinilala ni Brig. Gen. Warren de Leon, hepe ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), ang dalawang dating pulis na sina Rigel Brosas at Daryl Paghangaan, na nakumbinsing sumuko pagkatapos ng serye ng negosasyon noong Huwebes.

“After (a) series of negotiations, our Team 4A (Calabarzon) have convinced these two former PNP personnel to surrender and stop putting the image of the PNP in a bad light,” ayon kay de Leon sa isang statement.

Ayon sa kanya, sumuko si Brosas sa Rizal Municipal Police Station bandang 2:45 ng hapon. noong Enero 19, habang si Paghangaan ay sumuko makalipas ang limang oras sa himpilan ng pulisya Liliw Municipal Police Station.

Sinampahan ng kasong robbery at kidnapping with serious illegal detention ang dalawa, kasama ang dating patrolman na si Roy Navarrete.

Si Brosas na noon ay patrolman at si Paghangaan na dating staff sergeant, ay kabilang sa mga nagpanggap na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) nang kunin nila si Ricardo Lasco sa kanyang bahay sa Brgy. San Lucas l, San Pablo City sa Laguna noong Agosto 30, 2021.

Inakusahan din sila ng pangungulimbat ng pera at iba pang mahahalagang personal na gamit sa loob ng bahay ni Lasco.

Ang mga naarestong suspek ay dalawa sa tatlong subject ng warrant of arrest na may petsang Enero 17, 2023, na inisyu ni Presiding Judge Luvida Padolina Roque ng Regional Trial Court Branch 29 sa San Pablo City Laguna, para sa krimen ng robbery (na may inirekomendang piyansa itinakda sa PHP400,000 bawat isa); at kidnapping at serious illegal detention (na walang inirekomendang piyansa).

Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na si Brosas at Paghangaaan, gayundin si Navarrete, ay tinanggal na sa serbisyo noong nakaraang taon matapos silang maiugnay sa pagkidnap kay Lasco.

“Ngayon na sila ay sumuko ay inaasahan natin na sila ay makikipag-cooperate at ibubunyag nila kung ano man yung nalalaman nila dito sa ginawang pagdukot kay Mr. Lasco,” ayon kay Fajardo sa isang radio interview noong Sabado.

Ang kaso ni Lasco ay isa sa walong kaso na hinahawakan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Special Investigation Task Group “Sabungero,” para sa karagdagang imbestigasyon ng kaso matapos ang reklamo para sa kidnapping na inihain ng pamilya ng biktima sa San Pablo City ay ma-dismiss sa San Pablo City, Laguna prosecutor’s office.

Itinuturing pa ring “nawawala” si Lasco at sinisiyasat ng CIDG ang mga kaso na kinasasangkutan ng pagkawala ng 34 pang e-sabong enthusiasts mula noong 2020.

Sa ngayon, nagsampa na ng kaso ang CIDG laban sa hindi bababa sa 15 personalidad kaugnay ng mga nawawalang e-sabong aficionados.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.