COVID emergency sa US tatapusin na sa Mayo 11

0
253

United States. Tatapusin na ang COVID-19 emergency declarations sa Amerika sa Mayo 11, ayon kay United States President Joe Biden kahapon.

Tatlong taon na sumailalim ang nabanggit na bansa sa mahigpit na mga restriksyon dahil sa pandemya.

Kung babalikan, noong 2020 ay inilagay ni dating Pangulong Donald Trump ang COVID-19 national emergency at public health emergency (PHE).

Pinatagal naman ito ni Biden noong siya ay umupo, kung saan milyon-milyong mga Amerikano ang nakatanggap ng libreng COVID testing, bakuna at treatments.

Ayon naman sa Office of Management and Budget (OMB) ng White House, nakatakdang matapos sa mga susunod na buwan at maaaring patagalin ito hanggang Mayo 11.

“This wind-down would align with the Administration’s previous commitments to give at least 60 days’ notice prior to termination of the PHE,” ayon sa OMB sa kanilang administration policy.

Sa ngayon, ang pamahalaan ng Estados Unidos ang nagbabayad sa mga bakuna kontra COVID-19, gamutan at testing ngunit sa oras na matapos na ang deklarasyon ng PHE, ililipat na ang gastusing ito sa mga private insurance at government health plans.

Kung ikukumpara noong mga nakaraang buwan, mas bumaba na ang kaso ng COVID-19 sa US bagaman at nakapagtatala pa rin ito ng mahigit 500 katao na araw-araw na namamatay sa nasabing sakit.

Author profile
Gary P Hernal

Gary P Hernal started college at UP Diliman and received his BA in Economics from San Sebastian College, Manila, and Masters in Information Systems Management from Keller Graduate School of Management of DeVry University in Oak Brook, IL. He has 25 years of copy editing and management experience at Thomson West, a subsidiary of Thomson Reuters.