Walang PhilHealth premium rate hike ngayong 2023

0
555

Hindi tataas ang premium rate ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ngayong 2023, ayon kay acting President at Chief Executive Officer (CEO) Emmanuel R. Ledesma, Jr.

“Sinisiguro po ng PhilHealth na patuloy ninyo kaming magiging kaakibat sa pagsulong ng kalusugan para sa lahat. Ngayong taon at sa mga susunod pa ay makakaasa po kayo sa patuloy na bagong benepisyong malawakan para sa mamamayang Pilipino,” ayon sa kanya.

Ayon pa rin kay Ledesma,  susundin nila ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na suspendihin ang nakatakda na sanang premium rate increase ngayong taon, na mula 4 percent ay magiging 4.5 percent, habang itataas din ang income ceiling na ang P80,000 ay gagawing P90,000.

Dagdag pa ni Ledesma, magpapalabas sila ng hiwalay na advisory para sa susunding guidelines kaugnay ng nabanggit na kautusan partikular para sa direct contributors ng PhilHealth.

Samantala, sa nakaraang pagdinig ng Senate Committee on Health hinggil sa panukalang pag-amyenda sa Republic Act No.11223 o ang Universal Health Care (UHC) hinggil sa premium contributions, sinabi Ledesma na pinag-aaralan pang mabuti ng PhilHealth ang mungkahing magkaroon ng fixed premium rates para sa ilang member categories sang ayon sa guiding principles ng National Health Insurance Program on Equity and Social Solidarity partikular sa risk sharing sa hanay ng all income groups.

“These are just some of the provisions that PhilHealth is presently reviewing as it looks into improving the law,” ayon pa rin sa hepe ng PhilHealth.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.