PH tatanggap ng 300K na bivalent COVID-19 vax

0
220

Makakatanggap ang Pilipinas ng karagdagang 300,000 bivalent COVID-19 vaccines mula sa hindi pa isinisiwalat na bansa, ayon sa Department of Health kanina.

Dahil sa inaasahang donasyon, aabot na sa 1.4 milyon ang kabuuang bilang ng modified jabs ng bansa, ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing.

Halos 1  milyong doses ng omicron-targeting vaccines mula COVAX facility, ang United Nations-backed international vaccine-sharing scheme, ang inaasahang darating sa Maynila sa katapusan ng Marso.

“Meron ding isang bansa, which we cannot name for now because the agreements are being finalized, pero magbibigay naman sila ng additional 300,000 plus na doses,” pahayag niya.

“In all, sa ngayon, meron na tayong concrete na plano para po dito sa almost 1.4 million doses of bivalent [vaccines],” dagdag ng opisyal.

Kinukumpleto na ng DOH ang mga alituntunin sa paggamit ng bivalent vaccines.

Nauna dito ay sinabi ng DOH na ituturok ang unang batch ng bivalent vaccines sa vulnerable groups gaya ng healthcare workers, senior citizens at individuals with comorbidities.

Sa kasalukuyan, halos 73.8 milyong Pilipino ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.

Sa bilang na ito, 21.3 milyon ang naturukan ng unang boosters habang mahigit 3.8 milyon ang nabakunahan na ng second boosters.

Hanggang Pebrero 6, ang Pilipinas ay mayroong 9,338 active COVID-19 cases.

Mula nang magkaroon ng pandemya, nakapagtala na sa bansa ng 4,073,851 infections, kung saan mahigit 65,865 ang namatay.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo