Makabagong anyo ng pagtuturo, ipinaglaban nga ba?

0
389

Kada taong pampaaralan, humaharap ang Kagawaran ng Edukasyon sa matinding suliranin ng kakulangan sa silid-aralan. 91,000 ang kulang; bukod dito, dalawa sa tatlong gusali ng mga paaralan ay kailangang makumpuni. Sa isang panayam matapos ang Basic Education Report (BER) 2023, muling diniin ng tagapagsalita ng DepEd na blended learning ang tugon sa problema.

Blended learning – tinatawag ding hybrid learning – ang pagtuturo sa mga batang mag-aaral mapa online o nasa silid-aralan. Pinaghahalo sa anyo ng pagtuturong ito ang mga paraang digital at tradisyunal matuloy lang ang pag-aaral ng mga bata kagaya ng nangyari noong kasagsagan ng pandemiyang COVID-19 na halos dalawang taong walang pagtuturong pisikal na karaniwang ginaganap sa mga silid-aralan at walang pisikal na bilangan ng mga lumiban sa klase o attendance. Hindi absent sila ma’am/sir kahit wala sa classroom dahil naroon naman sila sa e-classroom, sa Zoom o anupamang learning management system (LMS) ng paaralan.

Setyembre pa ng nakaraang taon sinabi ng tagapagsalita ng kagawaran: “Bakit pinag-aaralan na po ‘yung pag-institutionalize ng blended learning as a mode in our schools? Dahil po ang pananaw diyan ng (DepEd) ay ito ay isa sa solusyon para diyan sa classroom shortage. This is something that we are reviewing right now. And we are looking if it is possible to institutionalize blended learning sa ating basic education schools.”

Mabilis sa usap. Makupad sa gawa

Kung sa mga pribadong paaralan na nasa ilalim ng administrasyon ng mga kolehiyo at pamantasan, matagal nang na-institutionalize o pumaloob na o nasa karakter na ng kani-kanilang institusyon ang paggamit ng LMS na kumbaga, naghihintay lang na buong buong magamit ito kung kinakailangan katulad noong kalagitnaan ng 2020 hanggang kasalukuyan.

Malaki ang pagkukulang ng buong pwersa ng pamahalaan ng Pilipinas sa ilalim ng huling tatlong administrasyon nila Pangulong Macapagal-Arroyo, Aquino III at Duterte na sa kabalintunaan, dikit na dikit naman sa kanilang mga Kalihim ng Edukasyon. Hindi rin napansin ng pribadong sektor sa loob ng dalawang dekada ang kahalagahan ng pagtulong nito sa mga pampublikong paaralan upang pangunahan ang mga bansa sa technology transfer at magbenepisyo rito ang estudyanteng Pinoy. Huwag tayong magkakamali na sisisihin pa natin ang pribadong sektor sa paglagapak ng katayuan ng mga pampublikong paaralan sa isyu ng blended learning dahil sa katunayan, halos kalahating bahagdan ng mga gawain nila sa ngalan ng corporate social responsibility (CSR) ay nauukol sa pagtulong nila sa mga pampublikong paaralan at ospital at bukod pa riyan ang malasakit ng mga pribadong indibidwal sa sarili nilang bulsa, mapangalanan man sila o hindi ng mga state auditor dahil sa kanilang mahahalagang donasyon.

Hindi tayo nagkulang sa batas para isulong ang IT infrastructure sa bansa, kabilang na ang Republic Act No. 10055 na ganito ang itinatadhana:

“The State shall facilitate the transfer and promote the utilization of intellectual property for the national benefit and shall call upon all research and development institutes and/or institutions (RDIs) that perform government-funded research and development (R&D) to take on technology transfer as their strategic mission and to effectively translate results of government-funded R&D into useful products and services that will redound to the benefit of Filipinos, notwithstanding the income generated from intellectual property rights (IPRs) and technology transfer activities.

“The State acknowledges that the successful transfer of government-funded R&D results depend on the proper management of intellectual property, development of capacity by RDIs to become self-sustaining and competitive, and on enhancing interaction and cooperation with the private sector, particularly small and medium enterprises through collaborative and contract research based on equitable, fair access, and mutual benefit for all involved partners.

“The State shall establish the means to ensure greater public access to technologies and knowledge generated from government-funded R&D while enabling, where appropriate, the management and protection of related intellectual property.”

Maliwanag na may malaking papel na ginagampanan ang pribadong sektor. Ang web-enhanced instruction ay matagal na sanang nasuportahan. Dumating ang pandemiya at hindi naglaon, nagkawardi-wardi na sa DepEd nang kumpirmahin nitong merong audit observation memorandum mula sa Commission on Audit (COA) sa pagbili ng P2.4 bilyong halaga ng “outdated and pricey” laptops na nakalaan sa mga guro para sa distance learning. Nangalahati tuloy ang bilang ng dapat sana’y nakatanggap ng mga laptop, ayon sa COA. Inungkat pa ito at kinumpirma ngang merong ganitong kalalang problema nang marinig/mabasa natin ang opisyal na ulat (BER 2023) nitong Lunes.

Kung merong “useful products and services… to the benefit of Filipinos“ at kung merong State that “shall establish the means to ensure greater public access to technologies” sang-ayon sa RA 10055, bakit napag-iwan ang mga pampublikong paaralan sa blended learning? Kung ayaw nating mangulelat sa mundo, edukasyon ang gawing nating unang prayoridad. Muli, hindi tayo nagkulang sa batas lalong lalo na’t mismong mga probisyon sa Saligang Batas ng 1987 ang nagtakdang bibigyan ng pinakamataas na prayoridad sa badyet ang edukasyon, titiyaking may sapat na sahod sa pagtuturo, at palalaganapin ang “quality education at all levels” dahil iyon ay karapatan ng lahat.

Bagamat 29:1 at 24:1 ang student-teacher ratio natin sa paaralang elementarya at sekondarya, paano natin maipaliliwanag na hanap natin talaga ang de-kalidad na edukasyon kung sa 2019 National School Building Inventory, meron nang backlog na 167,901 silid-aralan sa bansa? Hindi handa sa blended learning. Kulang na kulang sa silid-aralan. Kambal na suliraning dumadagok sa mga pampublikong paaralan at mga mag-aaral. Patuloy naman ang pag-atake sa social media hanggang korte laban sa ilang matitinong mamamahayag at walang kritikal na pag-iisip ang pangkalahatang publiko sa mga pagsisiwalat ng mga sablay sa sistema ng edukasyon kahit mismong mga anak nila ang luging-lugi sa loob ng silid-aralan, sakaling sapat ang bilang ng silid-aralan sa kanilang paaralan.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.