Paggamit ng hybrid rice aprubado kay PBBM

0
238

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekomendasyon sa paggamit ng hybrid rice upang mapataas ang ani ng mga magsasaka.

Nakipagpulong sa Pangulo ang mga opisyal ng SL Agritech Corporation (SLAC) na pinangunahan ni Chairman at Chief Executive Officer Henry Lim Bon Liong at ilang magsasaka sa Central Luzon upang matugunan ang mga hamon sa industriya ng palay.

Sa ginanap na pulong, iminungkahi ng SLAC sa Presidente ang paggamit ng hybrid seeds mula sa karaniwang punla na ginagamit ngayon ng mga magsasaka upang mapataas ang kanilang ani at madagdagan ang kanilang kita.

Iminungkahi rin ng SLAC na i-convert ang 1.90 million hectares target areas upang taniman ng hybrid na butil ng palay sa loob ng apat na taon.

Ang SLAC ay isang pribadong kumpanya na gumagawa ng pagsasaliksik, development, production at distribusyon ng hybrid seeds at premium quality rice.

Positibo namang tinugunan ni Pangulong Marcos Jr. ang mungkahi ng SLAC at magpapatupad aniya ito ng programa na magtataguyod sa pagtatanim ng hybrid seeds sa pamamagitan ng subsidiya at pautang sa mga magsasaka.

“We would like to apply kung ano ‘yung ginagawa ninyo dito sa Central Luzon… so we can apply sa ibang areas,”ayon sa Pangulo.

Lumabas sa pag-aaral ng Department of Agriculture (DA) at local government units na sa nakalipas na dalawang taon ay nakapagtala ng 41% mas mataas na ani ang paggamit ng hybrid seed ng mga magsasaka kumpara sa dating punla ng palay na ginagamit ng mga ito.

Ang mga magsasakang gumamit ng hybrid seeds ay nakapag-ani ng mula pito hanggang 15 metriko tonelada kada ektarya ng rice field kumpara sa average na 3.6 metriko tonelada lamang kada ektarya sa inbred seeds.

Naniniwala ang SLAC na kapag ginamit ang hybrid technology sa dalawang cropping cycle ay mas malaki ang kikitain ng mga magsasaka at titibay ang rice sufficiency sa bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo