Bangkay ng college student na namatay sa hazing, natagpuan sa Cavite

0
762

Natagpuan kahapon sa Cavite ang bangkay ng isang college student na mahigit na isang linggo ng nawawala at hinihinalang biktima ng hazing.

Pebrero 20 ng dumulog sa Manila Police District si John Michael Salilig para i-report na 2 araw nang hindi ma-contact ang bunso niyang kapatid na si John Matthew.

Huli niyang nakausap ang kapatid noong Pebrero 17 o Biyernes ng mapaalam ito na a-attend sa welcoming rites activity ng Tau Gamma Phi fraternity sa Laguna. 

Natapos ang buong araw ng Linggo o Pebrero 19 ngunit walang natanggap na text o tawag mula kay Matthew. Hindi umano ito gaanong pinansin ng kanyang mga kapatid dahil ugali ng biktima na maubusan ng baterya ang cellphone.

Ngunit kinabukasan ay nag-alala na si Michael nang hindi pa rin magparamdam si Matthew, lalo’t may usapan silang ihahatid ang ama sa airport pabalik ng Zamboanga. 

Ayon naman sa isa pang kapatid na si Martin, nakatanggap siya ng mensahe mula sa hindi-kilala at tila dummy account sa social media ukol sa sinapit ng kapatid sa dinaluhang welcoming rites.

Sa isang bus terminal sa Buendia, Pasay huling nakita ang share locator ng cellphone ni Matthew.

Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, nakitang sa Biñan, Laguna  bumaba si Matthew kasama ang iba pang miyembro ng fraternity bago tumungo sa welcoming rites.

Samantala, natukoy na ng mga awtoridad ang 18 suspek, na mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law.

Ayon sa isang suspek, hindi bababa sa 10 ang palo na tinamo ni Matthew sa initiation rites. Binawian umano ito ng buhay habang nakasakay sa SUV pagkatapos ng rites.

Sa isang pahayag ngayong Martes, kinumpirma ng Adamson University ang pagpanaw ng isang estudyanteng naiulat na nawawala, bagaman hindi na ito pinangalan.

Inihayag ng Adamson na nagsasagawa ito ng sariling imbestigasyon sa insidente at tiniyak na makikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad kaugnay sa kaso.

Hinimok din ng Adamson ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga “unverified information” tungkol sa insidente.

Joey Lina: Anti-hazing law hindi sapat vs hazing slay

Ayon kay Atty. Joey Lina, dating senador at may-akda ng Anti-Hazing Act of 1995, sinabi niya na hindi na siya nagulat dito dahil patuloy pa rin naman ang krimen kahit naipasa at umiiral na ang batas.

“The law is not a silver bullet that will end the crime that it sought to be proscribed,” ayon kay Lina sa isang panayam kanina.

“It is the entire criminal justice system that has to work. It’s not just the law. It’s the community, the police, the parents. They have to make sure their children are aware and properly informed and guided not to join any organization that has hazing as requisite for membership,” dagdag pa niya.

Matatandaan na nitong Martes, Pebrero 28 ay natagpuang nakalibing sa isang bakanteng lote sa Cavite ang bangkay ng chemical engineering student mula sa Adamson University matapos dumalo sa welcoming rites ng fraternity na sinalihan nito.

Ayon sa isa sa mga suspek, nakatanggap ng nasa 70 suntok ang biktima na si John Matthew Salilig bilang bahagi ng initiation rites.

Hinggil naman ng pagbuwag sa mga fraternity groups, sinabi ni Lina na hindi naman lahat ay nagsasagawa ng hazing at nakapaloob pa rin sa 1987 Constitution ang right to freedom of association.

“To totally ban organizations that conduct initiation, we have to distinguish what is initiation and what is hazing,” ayon sa dating senador.

Ipinaliwanag din ni Lina na ang hazing ay paraan para magdulot ng pinsala sa pisikal at psychological na aspeto ng isang tao na nais maging miyembro ng isang organisasyon.

Sa kabilang banda, ang initiation naman ayon sa kanya ay generic term para sa proseso ng pagiging isang miyembro.

Noong 2018 ay inamyendahan ang anti-hazing law sa ilalim ng Republic Act 11053, o kilala bilang Anti-Hazing Act of 2018 na nagpapataas sa parusa sa hazing kabilang ang reclusion perpetua at multa na P3 milyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.