24,000 ektarya ng coral reef nanganganib sa Mindoro oil spill

0
567

Sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Biyernes na mahigit 2,000 ektarya ng coral reef, mangroves, at seagrass ang posibleng maapektuhan sa lumubog na motor tanker MT Princess Empress na may dalang 800,000 litro ng industrial fuel oil sa Naujan, Oriental Mindoro.

Batay sa paunang pag aaral, sinabi ng DENR na tinatayang 591 ektarya ng coral reef, 1,626 ektarya ng bakawan at 362 ektarya ng seagrass o seaweeds ang posibleng maapektuhan.

Sinabi rin ng DENR na mayroong 21 locally managed marine protected areas na matatagpuan sa Oriental Mindoro.

Nasa panganib din ang Verde Island Passage—ang bantos sa buong mundo na sentro ng marine shore fish biodiversity—ayon sa mapa ng potensyal na epekto ng DENR batay sa huling lokasyon ng MT Princess Empress.

Sa ngayon, ang pinaka-apektadong lugar ay ang bayan ng Pola, na nagdeklara na ng state of calamity dahil umitim na ang tubig dagat at dalampasigan doon habang iba’t ibang uri ng isda ang napaulat na nagsilutang at namatay.

Samantala, ang University of the Philippines- Diliman College of Science Marine Science Institute (UPD-CS MSI) ay naglabas ng pahayag na nagsasabing ang oil spill ay maaaring makaapekto sa 24,000 ektarya ng coral reef —isa at kalahating beses ng lawak ng Quezon City.

Noong Biyernes, iniutos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang paglikha ng task force na susubaybay sa epekto ng oil spill.

Kabilang sa mga miyembro ng task force ang opisina ng DENR Mimaropa, DILG, DSWD, Department of Health, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, PCG-Southern Tagalog District, Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command at mga local government units ng Mimaropa.

Sa ngayon, ang mga pagtatasa sa baybayin at pagpigil sa spill ay ginagawa ng mga PCG team.

Ang spill ay umabot sa coastal areas ng mga munisipyo ng Pola, Pinamalayan, Naujan, at Bongabong sa Oriental Mindoro, ayon sa pinakahuling ulat.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.