Anilag Festival ng Laguna 2023: Ang pagbabalik sigla!

0
889

Isang walang humpay na kampanya para sa kahusayan ng kultura at ekonomiya

Ipinagdiriwang mula pa noong 2004 ang Anilag (Ani ng Laguna) Festival, na ginawaran ng Kagawaran ng Turismo ng Hall of Famer Award  dahil sa tatlong taong sunod sunod na karangalan na natanggap nito bilang pinakamaningning at pinakamahusay na festival ng bansa. 

Naging isang matibay na salalayan ito sa paglago ng ekonomiya ng lalawigan, nakaakit ng mga mamumuhunan at negosyanteng lokal man at  dayuhan. Kamangha-mangha ang bilang ng mga nakikipagkaisang komunidad, institusyon at iba pang sektor sa programa, na lalong nagpatanyag sa Laguna sa larangan ng kultura.

Sa di inaasahang pagkakataon, noong pumutok ang COVID-19 sa bansa at sa buong mundo, tulad ng iba pang pagdiriwang, ang Anilag Festival ay ipinagpaliban at  pansamantalang hindi pinagtuunan ng pansin dahil sa pakikipaglaban ng buong mundo sa pandemya.

Pagkatapos ng halos tatlong taon ay naging matagumpay naman ang laban sa COVID 19, kung kaya’t kaalinsabay ng muling pagyabong ng mga bansa, mga lalawigan at mga bayan at komunidad, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa ilalim ng pamumuno ni Gobernador Ramil L. Hernandez ay muling magdaraos ng Anilag Festival, katuwang ang Unang Ginang ng Laguna at 2nd District Representative Ruth Mariano-Hernandez bilang Co-Chair ng Love Laguna tourism campaign.

Mula sa ika-11 hanggang ika-18 ng Marso ngayong taon ay muling masasaksihan ang pagdiriwang ng Anilag Festival, na may temang “Makiisa at Makisaya sa Masiglang Laguna!” Ang kaganapang ito ay magiging mas makabuluhan, na katatampukan ng mga bagong aktibidad sa layunin na maibalik ang sigla at saya ng Laguna pagkatapos ng pananalasa ng pandemya. 

Tiniyak ni Gob. Ramil na ang pamahalaang panlalawigan ay magpapatupad ng mga bagong programa na inaasahang muling magpapalago at makatutulong sa patuloy na pag-arangkada ng ekonomiya ng lalawigan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.