10 preso tumakas sa Pasay; may taning na 48 oras

0
335

Nagbigay ng deadline na 48 oras si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Edgar Allan Okubo kay Southern Police District Director Police Brigadier General Kirby Brion Kraft para sa ikadarakip ng 10 tumakas na Persons Under Police Custody (PUPC) kaninang madalin araw sa Malibay Detention Facility sa Pasay City.

Nagbigay din ng deadline na 24 oras si Pasay City Mayor Emi Calixto Rubiano Kay Chief of Police PCol. Froilan Uy upang resolbahin ang kaso ng pagtakas ng 10 PUPC.

“Inatasan ko na si PBGen. Kirby Kraft, District Director ng Southern Police District at si PCOL Froilan Uy, Chief of Police ng Pasay City upang magsagawa ng manhunt operations gamit ang mga Tracker Teams para muling madakip ang mga nakatakas at tiyakin na maresolba agad ang insidenteng ito sa loob ng 48 oras, ” ayon kay PMGen Okubo.

Sinabi rin ng NCRPO Director na pansamantalang inalis si Substation Commander PCol Jerry Sunga sa tungkulin kabilang ang jailer upang bigyang daan ang isang malayang imbestigasyon.

“Kaugnay nito ay inatasan ko rin si PCOL Ronald Laoyan, Acting Director ng Regional Internal Affairs, NCR upang magsagawa ng motu propio investigation hinggil sa pangyayaring ito. Papanagutin natin kung sino man ang mapatunayan na may pagkukulang hinggil sa bagay na ito,” dagdag pa ni PMGen Okubo.

Samantala, nanawagan si Okubo sa mga kababayan na kung may makukuhang impormasyon ay agad na ipagbigay alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulis kasunod ng pagtiyak na makakaasa ang mga mamamayan ng Metro Manila na hindi tumitigil ang NCRPO sa pagpapanatili ng kaayusan at kapanatagan sa komunidad.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.