Oposisyon sa panahon ng krisis

0
568

Hindi kontra nang kontra si Risa Hontiveros para lang may maikontra. Bilang isang mataas na opisyal na muling nahalal sa senado noong nakaraan Mayo, may kaakibat na tungkulin ang pagsalungat sa maling gawi ng pamahalaan, bukod pa sa paggamit ng karapatan niya bilang mamamayan at mambabatas. Samantala, patuloy ang mga paanyaya bilang panauhing pandangal at tagapagsalita kay dating VP at ngayo’y Angat Buhay chair Leni Robredo para pangunahan ang mga mahahalagang kumperensiya sa loob at labas ng Pilipinas dahil lahat ng kanyang masasabi ay gamit na gamit sa paghahanap ng solusyon sa mga suliranin ng mundo. Kaya kung hindi siya nakaupo, at tila nag-iisa si Risa, tanong ng isang propesor kahapon ay kung may krisis ba ng oposisyon. Nauna na rito, noong Mayo, nagpahayag ang isa pang batikang propesor na may kakayahan si Risa na pangunahan ang oposisyon habang pinansin naman niya ang kagitingan ni Leni at ng kanyang pangkat para umagapay sa mga nangangailangan. 

Laganap ang oposisyon sa malawak na kahulugan nito lalo na’t kabi-kabilaan ang kabuktutan sa mga ahensya ng pamahalaan at mga opisyal. Umeepekto ito sa kritikal na pag-iisip ng mga mamamayan, pro-administrayon man o maka-oposisyon sila. Bakit ko titingnan sa bilang ng mga pulitikong oposisyunista kung alanganin naman ang bilangan sa kanila maging sa mga “tapat” na politiko na kabilang sa administrasyon? Kasi kung ganoon pala ang batayan, para ko na ring sinabing si Juan Ponce Enrile ang kapwa pinakamagaling sa oposisyon at pinakamagaling sa administrasyon samantalang sa katotohanan, ang kanyang pagiging balimbing ang magtuturo sa atin na siya ang ehemplo ng katusuhan sa mahabang kasaysayan niya ng “paglilingkod” sa diktadura at pag-asta ng pagsuporta sa mga pamunuan ng mga pangulo.

Hindi dahil tahimik ang oposisyon, wala na ang oposisyon. Hindi ba pwedeng sabihing bumubwelo lang? Kinailangan nila Ninoy Aquino, Aquilino Pimentel, Jovito Salonga, sampu ng kanilang kasamahan sa oposisyon, ang maghintay sa tamang tiyempo at unti-unting basagin ang pedestal na paghahari-harian ng talaga namang mga makapangyarihan hindi sa gitna ng mga ordinaryong araw kundi sa gitna ng Batas Militar, panahong kakaiba ang pananahimik ng mga tao. Kunsabagay, noong mapatay sa kasikatan ng araw si Ninoy sa paglapag ng sinakyang eroplano noong 1983, malinaw pa sa sikat ng araw na hindi oposisyon ang may gawa ng kanyang tuluyang pananahimik. Tatlong taon matapos nito, napatalsik ng oposisyon ang mga Marcos sa Palasyo ng Malacanang. Makatwiran bang sabihing administrasyon at hindi ang oposisyon ang nagluklok sa pagkapangulo ng maybahay ng napaslang na dating senador, si Cory Aquino?

Sa kabaligtaran, nadarama ng mga tunay na may pakialam at pakiramdam ang kalidad ng pagsalungat sa mga maling gawi ng gobyerno. May mumunting mga krisis sa pamamahala sa edukasyon at kalusugan, at underdevelopment sa sektor ng agrikultura, kaya naman buhay na buhay ang pangangalampag sa mga natutulog sa pansitan na mga halal na pinuno. Muli, makatwirang bang sabihing administrasyon pa rin at hindi ang oposisyon ang nangangalampag para aksyunan ang mga suliranin sa mga paaralan at mga guro, sa mga ospital at mga manggagawang medikal, sa agrikultura at mga magsasaka? Ang lumalalang kagutuman, kawalang hanap-buhay, patayan, at hindi mapigil-pigil na taas-presyo ng mga pangunahing bilihin ay mga tema ng oposisyon. Hindi imbento ang mga ito. Maingay ang publiko hinggil sa mga ganitong usapin — nakikiisa rin sa panawagan ang ilang bansa — at mapapaisip pa ba tayong administrasyon at hindi oposisyon ang nag-iingay para sa mga konkretong solusyon?

Mabuti na ring wala sa mga hanay nila Risa Hontiveros at Leni Robredo ang itinuturong lider ng oposisyon dahil mangangahulugan pa ito ng mababaw na pagtingin na ang galaw ng bayan o makabuluhang pananahimik ng mga may pakialam ay sa kanila nagmumula. Sila’y mga babaeng normal na nag-iisip kung ano ang ikikilos at kinikilos para may maihain sa hapag-kainan, mabulgar ang mga sindikatong nagpapanggap na lingkod-bayan, maparusahan ang mga tiwali, unti-unting matuldukan ang maling pamamahala. Ngunit hindi ibig sabihin na sa senadora at sa dating pangalawang pangulo dadaing ang mga tao o sa pagkontra lang ng dalawa aangkla ang lahat ng oposisyon sa maling pamamalakad at makasariling pagpapaganda ng mga imahe ngunit napatunayan nang sila ang sumira sa kanilang mga sarili at patuloy pang sinisira ang sarili nila sa mga salitang hindi naman dinadaan sa gawa.

Hindi rin sukatan ang eleksyon sa paglakas o paghina ng oposisyon. Gayunpaman, sa bawat kapitan, punong bayan, gobernador, senador, o pangulo, ang taumbayan ay may lakas at karapatan sa pagpili sa paraang eleksyong demokratiko at walang bahid ng pagdududa ng resulta nito. Kaduda-dudang magagaling ang administrasyon kaysa sa anumang pagkukulang meron ang oposisyon. Merong kredito ang oposisyon sa paglaganap ng kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Maaaring hindi sila sinang-ayunan ng mayorya ng mga bumoto, pero patuloy silang nakikialam. Ang mga manggagawa naman ay patuloy ang pakikibaka at pagsasamahan na may layuning pakamahalin ang paggawa at pagpantay-pantayin ang mga oportunidad dito.

Sa pag-aaral ng dynamics ng oposisyon sa Pilipinas, makasisiguro tayong buhay na buhay ang oposisyon na nakukuha sa pangalan tulad ng Genuine Opposition. Ang meron ay krisis sa bawat isipan ng mga pulitikong maka-administrasyon, maka-oposisyon, at mga taga suporta nila.

Mga salita ni Ninoy na nabanggit sa isang aklat ni Nestor Mata ang gamit ko noong may pagsalungat ako sa mga administrasyon ni Cory at Noynoy Aquino, “Without criticism no government can survive, and without dissent no government can effectively govern.” Ibig sabihin, ang tagumpay ng oposisyon ay tagumpay ng bawat administrasyon. Maigi pa sa akin ang panghawakan ang tradisyong sumuporta at mag-adbokasiya ng oposisyon. Hindi tayo dapat magpabaya sa kapakanan ng mga henerasyong susunod sa atin sa gitna ng pandaraya, panlilito o panlilinlang ng diyablo. Idalangin sa Diyos ang katagumpayan ng Kanyang kapangyarihan sa tulong ng mga kapangyarihang ibinigay Niya sa mga hari, pangulo, at iba pang pinuno. Sa biblikal na prinsipyo, merong 3Cs: Collaborate/cooperate/communicate with governing authorities. (1 Pet. 2:11; Acts 16:37, 22:25).

Ngayong Holy Week, alalahanin natin ang mga sumalungat kay Pontio Pilato na hindi lang dahil gusto nilang sumalungat kundi walang bahid ng kasalanan at nagtatanggol lamang ng administrasyon ng langit ang ipinako sa krus na si Kristo.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.